NANINIWALA si Agriculture Secretary William Dar na malawakang pagtatanim sa watersheds ang solusyon upang mapigilan ang malaganap na pagbaha sa maraming lungsod at bayan sa bansa.
Ani Dar, ang pagtatanim ng mga puno ay napapanahon at pangmatagalang solusyon laban sa pagbaha, bukod sa iba pang plano ng pamahalaan.
“We need engineering interventions here. At the same time, we need to reforest in a big way our watersheds. Otherwise, we will have a year in, year out, itong problema na ito,” paliwanag ni Dar.
“I am hoping that as the engineering interventions would start now, like dredging, we should also start reforesting in a big way all our watersheds,” susog ng kalihim.
Batay sa datos, 18 watershed sa Luzon, na may magandang tanim ng mga puno, ang kailangan upang mayroong matibay na sasalo sa mga tubig.
Kapansin-pansin, nang humagupit ang magkakasunod na bagyo sa bansa, partikular sa Luzon, marami nang lugar na hindi nakaliligtas mula sa buhos ng ulan at putik mula sa kabundukan.
Ayon sa apektadong mga residente, halos wala nang puno ang mga kagubatan, dahil sa hindi napahihintong ilegal na pagtotroso.
Katulad sa Cagayan, marami nang puno ang nawala na sasalo sa agos ng tubig tuwing bumabagyo, dahilan upang lumubog ang maraming bayan sa nasabing lalawigan nang bumigwas ang Bagyong Ulysses.
Halos kapiraso na rin lang ang mga puno sa San Mateo at Montalban sa Rizal, dahilan upang regular na bumubuhos ang napakalakas na tubig na may kasamang putik, mula rito patungo sa lungsod ng Marikina.
Ayon pa sa impormasyong ipinarating ng mga residente, talamak ang quarrying sa San Mateo at Montalban ngunit mukhang pinabayaan na ng mga alkalde sa dalawang bayang ito. (NELSON S. BADILLA)
1041 