IBINUNYAG ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na nagsimula pa noong administrasyon ni Rodrigo Duterte ang sinasabing “maleta delivery” ng pera sa ilang opisyal ng pamahalaan—at hindi umano ito nag-ugat sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Sa pulong balitaan, sinabi ng Ombudsman na nakatanggap siya ng intelligence report mula sa isang mapagkakatiwalaang source na naglalaman ng impormasyon kaugnay sa isyu.
Ayon kay Remulla, isa sa mga larawang nakapaloob sa joint affidavit ng nagpakilalang 18 dating sundalo ay kuha pa umano noong panahon ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Makikita sa naturang larawan ang umano’y “delivery ng mga maleta” na pinaniniwalaang may laman na pera.
Dahil dito, sinabi ni Remulla na malinaw na may manipulasyon sa timeline ng mga pangyayari sa affidavit ng naturang grupo dahil ginamit ang larawan na kuha bago pa maupo sa puwesto ang kasalukuyang Pangulo.
Gayunman, nilinaw niya na isa lamang ang nasabing larawan sa mga ebidensyang nakapaloob sa joint affidavit ng mga dating sundalo at hindi nangangahulugang lahat ng larawan ay kuha rin bago ang 2022.
Samantala, pormal nang ini-turn over ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman ang mga dokumento, ebidensya at resulta ng halos anim na buwang imbestigasyon.
Sa kabuuan, siyam na referrals ang isinumite ng ICI laban sa 65 indibidwal na hinihiling maimbestigahan at posibleng makasuhan kaugnay ng umano’y maanomalyang mga proyekto.
(JULIET PACOT)
79 