SINALUBONG ng pagtutol mula sa hanay ng mga mangingisda mula sa baybaying lungsod ng Parañaque ang napipintong demolisyon sa mga istrukturang ginagamit nila sa hanapbuhay, kasabay ng pagkondena sa aniya’y pagpabor ng gobyerno sa malalaking negosyanteng binigyan ng pahintulot para tabunan ang ilang bahagi ng Manila Bay.
Partikular na tinuligsa ni Gilbert Reyes, pangulo ng Pangisda sa Paranaque, ang panukalang demolisyong isinusulong ng Manila Bay Inter-Agency Task Force para sa demolisyon sa kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda sa darating na September 7.
Giit ni Reyes, tutol ang kanilang hanay sa naturang demolisyong magbibigay daan sa reklamasyon ng Manila Bay kunsaan inaasahang itatayo ang mga gusali, kasabay ng daing na kabuhayan ng hindi bababa sa 178 pamilya ang mawawala sa sandaling umpisahan na ang nasabing proyekto.
Dagdag pa niya, ni walang anumang alternibong inihahain ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng nagbabadyang pagkawala ng kanilang kabuhayan.
“Ang mga malalaking negosyante ay welcome na welcome na sakupin ang ating karagatan”, himutok ng lider pangisda.
Paglilinaw ni Reyes, hindi sila tutol sa proyekto ng gobyerno. Gayunpaman, dismayado aniya sila dahil hindi man lamang isinaalang-alang ang kahihinatnan ng mga pamilyang magugutom sa sandaling magsimula na ang demolisyon.
Nagpahayag din si Reyes ng kahandaang tumalima sakaling hanapan sila ng mga kaukulang permit sa kani-kanilang hanapbuhay huwag lamang aniya silang tanggalan ng tanging pinagkukunan nila ng kabuhayan sa kanilang pamilya. (DAVE MEDINA)
