INATASAN ng Department of Energy (DOE) ang lahat ng kumpanya ng kuryente sa bansa na huwag sisingilin ang kanilang kostumer ng ‘isang buhos’ sa dalawang buwang bayarin sa kuryente pagkatapos ng “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Abril 30.
Sa halip, babayaran ng mga kostumer nang apat na hulog sa pare-parehong halaga ang bayad sa mga nakunsumong kuryente na ang “due dates” ay pasok mula Marso 16 hanggang Abril 30, banggit ni DOE Secretary Alfonso Cusi sa April 16 Advisory ng DOE.
Ibig sabihin, babayaran ng mga kliyente ng mga kumpanya ng kuryente kada buwan sa loob ng apat na buwan ang bills ng kanilang kuryente noong Marso at ngayong Abril.
“Grace period” ito sa mga gumagamit ng kuryente upang hindi isang buhos ang kanilang pagbabayad sa kanilang mga electricity bill mula Marso hanggang Abril, tugon ni Cusi sa abiso ng kagawaran.
Nakasaad din sa parehong abiso na magsisimula ang pagbayad pagkatapos pa ng Mayo 15 at hindi sa Mayo 1.
Ang desisyon ng DOE ay ibinatay sa direktiba ng Energy Regulatory Board (ERC) sa mga power distribution firms at retail electricity suppliers na magbigay ng palugit sa pagbabayad ng kani-kanilang mga kliyente. NELSON S. BADILA
160
