MARCOS HUHUBARAN NG ‘WERPA’ SA PAGTATAKDA NG TARIPA SA IMPORTED RICE

ISINUSULONG nina Senators Kiko Pangilinan at Risa Hontiveros ang joint Senate resolution na magmamandato na alisin sa Pangulo ang kapangyarihang magtakda ng taripa sa imported rice.

Nakapaloob din sa Joint Resolution No 2 na ibalik sa 35 percent ang ibinabang 15 percent na tariff rates sa inaangkat na bigas.

Ang pagbaba sa taripa ay nakapaloob sa Executive Order No. 62 ng nilagdaan na Executive Department noong June 2024.

Sinabi ni Pangilinan na kailangan nang umaksyon at huwag nang patayin nang paunti-unti ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa kanilang karapatan na kumita ng sapat at maayos at mabuhay nang may dangal.

Iginiit ng mga senador sa resolusyon na dahil sa pagbaba ng taripa ay bumaha ang imported na bigas na nakaapekto nang husto sa mga magsasaka.

Napilitan anila ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang palay sa halagang mas mababa pa sa kanilang gastos sa produksyon.

Tinukoy sa resolution na ang farmgate price ng palay hanggang nitong Hunyo 2025 ay bumagsak sa P16.90 per kilo, mula sa P24.90 kada kilo noong isang taon.

Hinihiling sa resolusyon na magsagawa ng caucus ang mga komite ng Senado at Kamara para talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng rice industry at kapakanan ng mga lokal na magsasaka.

(DANG SAMSON-GARCIA)

174

Related posts

Leave a Comment