Ni VT ROMANO
MANANATILING suot ni LeBron James ang yellow and purple jersey.
Wala pang pormal na pahayag mula sa organisasyon hinggil sa pagpirma ni James ng two-year, $97.1 million contract extension hanggang 2024-25 season sa Los Angeles Lakers, ayon sa The Associated Press.
Ngunit mula sa hindi pinangalanang source, sinasabing ang maximum deal ay may player option kung saan mananatili si James, second-leading scorer sa NBA history, sa koponan ng Lakers.
Si James, 40, ay nasa final year ng kanyang kontrata sa Lakers. Nilagdaan ng four-time NBA MVP at four-time league champion ang kontrata noong Hulyo 2018.
Sa panibagong kontrata, nakasaad na ang 18-time All-Star ay tatanggap ng $46.7 million ngayong season.
Kung hindi mai-injure, malamang malampasan ni James si Kareem Abdul-Jabbar bilang NBA’s career scoring king pagdating ng winter, kung saan umaasa si James ng isa pang titulo kung magiging ‘healthy’ sila ni Anthony Davis.
Sina James at Davis ay binagabag ng injury sa 2021-22 season at wala rin silang playoff appearance.
Ang bagong kontrata ni James at kasabay rin ng contract extension ni Davis sa Lakers, na magbibigay sa kanila ng option na iwanan ang team o makipag-negotiate ng panibagong deal sa 2024.
Pinatahimik din ng komitmen ni James sa Lakers ang bulung-bulungang iiwanan niya ang team bilang free agent o kaya’y magpapalagay sa trade.
Ang Lakers ay nakahablot ng 17th NBA title sa Florida bubble, ngunit sa sumunod na dalawang season ay nabigong makapasok sa playoffs.
PAU GASOL JERSEY IRERETIRO
SAMPUNG player ng Los Angeles Lakers na pawang ni-retire ang mga jersey ang napabilang sa Naismith Memorial Basketball Hall of Fame.
At mapabilang man o hindi si Pau Gasol sa 2023 Hall of Fame class, mauuna na ang seremonya ng kanyang jersey retirement.
Ireretiro ng Lakers ang jersey No. 16 sa rafters ng Cripto.com Arena sa isang seremonya sa Marso 7, 2023 sa gabi ng laro kontra Memphis Grizzlies.
Si Gasol, naglaro ng unang anim at kalahating season sa Grizzlies, ay naging mabilis ang nominasyon sa Hall of Fame matapos ma-trade sa Lakers noong 2007-2008 season.
Agad silang nagklik ni Kobe Bryant at ibang teammates, dahilan para makatuntong sa Finals ang team noong 2008 at makamit ang NBA championships noong 2009 at 2010.
Naging epektibo ang partnership nina Gasol at Bryant at naging three-time All-Star siya sa Lakers. Sa kabuuan, may anim na All-Star appearance siya, isa sa Memphis at dalawa sa Chicago Bulls (2015 at 2016).
Sa kanyang buong career, nagtala si Gasol ng average 18.3 points, 9.9 rebounds at 3.4 assists sa 1,226 games sa 18 seasons bago nagretiro noong 2019.
Ipinanganak sa Barcelona, Spain, third pick overall siya noong 2001 NBA draft ng Atlanta Hawks ngunit agad na-trade sa Memphis kapalit ni Shareef Abdur-Rahim.
