QUEZON – Patay ang isang miyembro ng Maritime Police matapos na magulungan ng trailer truck nang matumba ang sinasakyang nitong motorsiklo sa Quirino Highway, sa bayan ng Tagkawayan sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Patrolman Alvin Taborda, 31, residente ng Payatas, Quezon City at nakatalaga sa PNP Maritime Group.
Ayon sa report, binabaybay ng biktima ang Quirino Highway ngunit pagsapit sa Barangay Poblacion ay nawalan ito ng kontrol sa motorsiklo at natumba sa highway.
Dahil sa biglaang pangyayari, hindi ito naiwasan ng kasunod na trailer truck na minamaneho ni Renato Abong, 54, residente ng Tiwi, Albay, na noon ay patungong Bicol.
Nagulungan ng kanang gulong ng trailer truck ang biktima na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.
Sumuko naman sa mga awtoridad ang driver ng nakasagasang truck. (NILOU DEL CARMEN)
