GINULANTANG ng isang malakas na pagyanig ng lupa ang bansang Afghanistan kamakailan. Ang resulta, mahigit 1,000 ang namatay, bukod pa sa mga nawawala at mga nasirang tahanan at mga imprastraktura.
Ang totoo, walang nakakaalam ng eksaktong petsa, araw at oras kung kailan tatama ang isang malakas na lindol tulad ng tumama sa bansang binalot ng pagdadalamhati at pagkalugmok.
Tulad ng Afghanistan, hindi rin handa ang Pilipinas sakaling tumama ang pinangangambahang paggalaw ng lupa sa Metro Manila.
Hindi sapat ang katagang nakakikilabot para ilarawan ang tagpong kahihinatnan ng kabisera base sa mga teorya ng mga eksperto. Anila, bukod sa malawakang pinsala sa mga imprastraktura, higit pa sa naitalang pagpanaw at pagkawasak ng malaking bahagi ng Metro Manila ang nakikita ng mga dalubhasa.
Sa pagtataya ng mga eksperto mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA), posibleng mas matindi ang kahihinatnan sakaling maganap ang kinatatakutang “The Big One” na anila’y posibleng kumitil ng hindi bababa sa 55,000 kataong nasa mga binabagtas na lungsod ng West Valley Fault.
Sa pagsasaliksik ng JICA, lumalabas na ang West Valley Fault System ay gumagalaw kada 350 taon at sa bawat paggalaw nito ay nagdudulot ng malakas na mga pagyanig – sukdulang lakas na aabot sa magnitude 7.2 lindol.
Base sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ang pinakahuling lindol na dulot ng pag-uga ng West Valley Fault, ay naganap 356 taon na ang nakalilipas. Sa madaling salita, labis pa ng anim na taon ang palugit para makapaghanda. Nakapaghanda ba?
Oo naman, nakapaghanda pero hindi para sa nagbabadyang peligro ng “The Big One” kundi sa nalalapit na halalan.
Ano nga ba ang gagawin ng pamahalaan sa napipintong pagkawasak ng 40% ng mga kabahayan at 35% ng nakatayong pangkalahatang mga pasilidad tulad ng mga paaralan, ospital, simbahan, mga tanggapan ng pamahalaan sa loob ng 1,100 ektaryang sakop ng West Valley Fault System?
May contingency measures na ba sakaling bumagsak ang mga imprastraktura tulad ng mga tulay, kalsada at iba pa? Saan kukuha ng suplay ng kuryente at tubig? May alternatibo na bang pansalit sakaling maputol ang mga linya ng komunikasyon?
Ang sagot – wala.
Sa madaling salita, higit pa sa kinasasadlakang dusa ng mamamayan ang posibleng kahihinatnan ng hindi bababa sa 16 milyong mamamayan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
