SUPORTADO ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang isinusulong na pagpapataw ng mas mabigat na parusa para sa mga taong masasangkot sa road rage incident.
Ito ay kasunod ng iminumungkahi ngayon na pagbalangkas at pag-apruba para sa isang batas na magbibigay ng mas mahigpit na kaparusahan sa mga sangkot sa road rage cases.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, naniniwala ang pambansang pulisya na ang pagpapatibay ng batas na magpapataw ng matinding parusa ay susupil o sasawata sa mga mainitin ang ulo na motorista na makapanakit ng kapwa motorista.
Magugunitang iminungkahi sa Senado ang pagpapatibay ng batas laban sa road rage na magiging instrumento rin umano para mahadlangan ang pang-aabuso.
Ilang kaso na ng road rage ang naidokumento ng pulisya at ang pinakahuli ay ang kinasangkutan ng dinismis na pulis na si Wilfredo Gonzales, na bumunot ng baril at nagbanta sa isang siklista sa Quezon City noong Agosto 8.
Habang isang lalaki ang sangkot sa nangyaring insidente sa Valenzuela City noong Agosto 19, kung saan may hawak na baril ang driver ng Toyota Fortuner nang lapitan niya ang nakaalitan na taxi driver.
Binawi na ng PNP Firearms and Explosives Office ang lisensya ng baril ng hindi pinangalanang motorista. (JESSE KABEL RUIZ)
370