IGINIIT ni Senador Imee Marcos na kailangang dagdagan ang ayuda sa mga lokal na pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sinabi ni Marcos, chairperson ng Senate committee on economic affairs na posibleng kapusin ang kasalukuyang fuel subsidies at calamity funds sa gitna na rin ng nagpapatuloy na girian ng Russia at Ukraine.
“Runaway oil prices are setting us back to Day One of the COVID-19 pandemic. We’re again in a mad scramble to identify other sources of subsidies and ‘ayuda,'” saad ni Marcos.
Iginiit ng senador na ang P18 bilyon para sa mga programa sa ilalim ng P20 bilyong Calamity Fund ay maaari pa ring magamit para itaas ang fuel subsidies at ‘ayuda.’
Mas madali anya itong gawin sa halip na suspendihin ang fuel excise taxes na kinakailangan pang dumaan sa mahabang legislative process.
Una nang tinutulan ng economic managers ang tax suspensions at iginiit na nasa P131 bilyong kita ang mawawala sa gobyerno na makapag-aantala sa national economic recovery.
Binalaan din ng mambabatas ang gobyerno sa posibilidad ng maling paggamit ng dagdag na welfare aid para sa kampanya.
“What is essential now is for the government to make a comprehensive analysis, reconcile its conflicting statements, and propose the best solutions. The people are still waiting for urgent action,” diin ni Marcos.
Sa kabilang dako, walang nakikitang sagabal si Senate Minority Leader Franklin Drilon upang suspindihin ng Department of Finance at ng Bureau of Internal Revenue ang koleksyon ng excise tax sa langis upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.
Ipinaliwanag ni Drilon na nakapaloob sa TRAIN Law ang probisyon para sa pansamantalang pagpapatigil ng pagkolekta ng excise tax.
“We are in an extraordinary situation. It is a situation which calls for the liberal application of the law and for compassion,” diin ni Drilon.
Sinabi ng senador na matinding hirap na ang dinaranas ng taumbayan at hindi ito ang panahon na manahimik ang gobyerno o hintayin na amyendahan ang batas.
Tanong pa ng senador kung sino ang maninisi sa DOF at BIR kung sususpindihin ang excise taxes sa fuel products at kung sino ang maghahain ng kaso laban sa kanila.
Hinamon pa nito ang gobyerno na huwag magtago sa likod ng batas dahil hindi naman din anya intensyon ng TRAIN Law na itali ang kamay ng gobyerno sa mga sitwasyon na tumataas ang presyo ng produktong petrolyo.
“The intention of the TRAIN law is to give the DOF power to arrest possible inflation. The law recognizes that if the price of oil per barrel exceeds 80USD, then it is bad for the economy and the consumers. This is the spirit of the law,” diin ni Drilon. (DANG SAMSON-GARCIA)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)