Mas malakihang pagkilos asahan SUNOD-SUNOD NA RALLY VS KORUPSYON KASADO

TINIYAK ng mga militanteng grupo na hindi titigil ang kanilang mga pagkilos hangga’t hindi napapanagot ang mga sangkot sa katiwalian sa pondo ng pamahalaan.

Sinimulan noong Biyernes ang tinaguriang Black Friday protest kung saan nagsama-sama ang iba’t ibang grupo hindi lamang mga militante, kasama ang mga estudyante.

Nanindigan ang mga militanteng grupo na hindi sila titigil sa mga kilos protesta.

Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Renee Co at dating ACT Party-list Rep. France Castro, tuloy-tuloy ang kanilang mga pagkilos hanggang may mga opisyal na managot sa katiwalian.

“Hindi po titigil ang araw-araw na protesta, ang pagpaparami dahil hangga’t hindi natin nakikita na may nakulong, na may nanagot, ay walang totoong pagbabagong makikita,” ani Co.

Iginiit pa ng mga kritiko na hindi sapat ang kasalukuyang aksyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa korupsyon.

Ngayong darating na Huwebes, Setyembre 18 ay magkakasa naman ng tigil-pasada ang transport group na PISTON.

Kinumpirma kahapon ng grupo ang kanilang tigil-pasada na layunin umanong makiisa sa pangangalampag laban sa korupsyon na nauugnay sa maanomalyang flood control projects.

Sinasabi ng mga ito na nasa P12,000 ang binabayarang buwanang buwis ng mga tsuper kaya’t oras na anila upang makiisa sila sa pangangalampag sa gobyerno hinggil sa paglulustay ng kaban ng bayan.

Nakatakdang magsimula ang tigil-pasada sa Huwebes sa ganap na 5:00 ng umaga.

Sinabi naman ng Malacañang nitong Sabado na iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatang magpahayag ng saloobin, kaugnay ng mga kilos-protesta laban sa mga iregularidad sa flood control projects.

Ang dasal lamang aniya nila ay huwag sakyan ng ibang tao na may hindi magandang naisin para sa gobyerno.

“So, iyan naman po ay sinusuportahan ng Pangulo ang mga hinaing ng taumbayan dahil ito naman ay laban sa korapsyon,” ang sinabi pa rin ni Castro.

Generally Peaceful

Idineklara ng Philippine National Police (PNP) na payapa ang Black Friday Protest.

Ayon sa PNP, umabot sa 13 kilos protesta ang kanilang naitala sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño na walang naitalang untoward incident sa mga kilos-protesta.

“Wala po tayong untoward incident, bagama’t nananatili tayo na mag-gather ng intelligence information upang pangalagaan ang kaayusan at kapayapaan,” ani Tuaño.

Samantala, ilang mag-aaral mula sa University of the Philippines at iba pang paaralan ang nagsagawa ng class boycott upang ipahayag ang kanilang pagkondena sa kontrobersya. Kabilang dito ang mga kabataan mula sa iba’t ibang sektor na nagprotesta upang ipanawagan ang pananagutan ng mga sangkot, partikular sa mga maanomalyang flood control projects sa Bulacan.

(JESSE RUIZ/CHRISTIAN DALE)

189

Related posts

Leave a Comment