MALAKING sunog ang sumiklab sa Happyland area ng Barangay 105, Tondo, Manila noong Sabado ng gabi na umabot sa ikaanim na alarma kaya nangailangan ng deployment ng 16 firetrucks, ayon sa ulat ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDDRMO).
Ang nasabing insidente ay nakaapekto sa Helping Compound building na halos sampung oras bago nakontrol dakong alas-3 ng madaling araw nitong Lunes, ngunit walang iniulat na casualties.
Naberipika ang sunog dakong alas-8:29 ng gabi at itinaas ang unang alarma dakong alas-8:30 ng gabi.
Mabilis na lumaki ang sunog, na umabot sa ikalawang alarma dakong alas-8:31 ng gabi, ikatlong alarma alas-8:36 ng gabi, ika-apat na alarma alas-9:35 ng gabi, at ikalimang alarma sa Task Force Alpha, alas-10:47 ng gabi. Pagsapit ng 10:53 ng gabi, nakataas na ang sunog sa Task Force Bravo.
Bunsod nito, ang mga residente ay pansamantalang nanuluyan sa evacuation sites sa Barangay 105 Covered Court, Vicente Lim Elementary School, Barangay 101 Covered Court, at Antonio Villegas Elementary School.
Agad namang kumilos ang lokal na pamahalaan ng Maynila at namahagi ng financial aid, pagkain at tubig sa apektadong mga residente.
Ang nasabing sunog ay iniulat na naapula dakong alas-3 ng madaling araw nitong Setyembre 14, makalipas ang halos sampung oras.
(RENE CRISOSTOMO)
239
