MAHIHIRAPAN ang mga kandidato o grupo na nagbabalak mandaya sa darating na national at local election kasunod ng desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na palawigin ang voter registration hanggang Oktubre 31.
Ito ang paniniwala ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate dahil tiyak na mas marami na ang makapagpaparehistro.
“More registered voters will also be a safeguard if some unscrupulous groups may try to cheat in the elections by way of the reactivated voters in the past years,” ayon sa mambabatas.
Sakaling makapagrehistro ang natitirang 10 million Filipino ay aabot umano sa 73 million ang susugod sa mga presinto sa May 9, 2022 para bumoto.
Kapag nangyari aniya ito, tiyak na mahihirapan ang mga politiko o grupo na nagbabalak mandaya para manalo o ipanalo ang kanilang kandidato.
“We are now calling on first time voters and those from far flung areas to not waste this chance to register to vote our country’s future and our very survival is at stake here,” panawagan ng kongresista.
Bitin sa 3 linggo
Bagaman ikinasiya ni Albay Rep. Edcel Lagman ang pagpapalawig sa voter registration ay bitin umano ito para makapagrehistro ang may 10 milyong Filipino.
“The three-week extension for the registration of voters approved by the Comelec En Banc from October 9 to October 30 for the 2022 May elections is way too short,” ani Lagman.
Dahil ito, iginiit ng mambabatas sa Comelec na ipatupad ang continuing registration of voters na nakasaad sa section 8 ng Republic Act (RA) 8189 o “The Voter’s Registration Act of 1996.
Nakasaad sa nasabing batas na ititigil lang ang pagrerehistro, 120 araw bago ang halalan para sa national election at 90 days naman para sa local. (BERNARD TAGUINOD)
216 