PINUNTIRYA sa mababang kapulungan ng Kongreso ang mga “spakol” o massage parlors na nagbibigay umano ng extra service at maging ang mga bahay-aliwan na front ng prostitution sa bansa.
Ang higit na ikinababahala ni Laguna Rep. Sol Aragones ay ang “virtual spakol” na usong-uso umano ngayon kung saan sa pamamagitan lang ng social media ay ipinadadala ng mga sindikato ang larawan ng mga babae at idinideliber sa mga customer sa hotel.
Ayon sa mambabatas, talamak pa rin ang mga spakol bukod sa mga bahay-aliwan na direktang nagbebenta ng mga babae na parang commodity.
“Sa tinatawag na mga spakol, may number ang mga babae. Behind a window – parang aquarium- customers looks over the women, choose the one he wants, and calls out her number. Parang nasa dampa ka lang; pipiliin mo ang isda, lulutuin at kakainin mo,” ani Aragones.
Tinukoy ng mambabatas na dating mamamahayag ang ‘virtual spakol” kung saan sa pamamagitan ng social media ay makakakuha ng mga babae at idinedeliber na ito sa kostumer.
“Hindi mo na kailangan pumunta sa spakol dahil may virtual spakol na. With a phone, all a potential client need to do is to scroll down, look at photos, and choose. The sex workers then goes straight to the home or hotel of the client in order to provide extra service,” ayon pa kay Aragones.
Nauso umano ang virtual spakol nang pumasok ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) dahil marami aniyang babae ang idinedeliber sa mga POGO worker. BERNARD TAGUINOD
570 