POSIBLENG humantong sa pagkaubos ng law enforcers ang ipinapanukalang bagong Military at Uniformed Personnel pension system sa sandaling maagang magretiro ang mga ito.
Kapag nagkataon, malalagay sa alanganin ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gayundin ang seguridad ng bansa.
Babala ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, posibleng magkaroon ng security, defense at law and order collapse sa bansa kung hindi sasang-ayon ang mga military at uniformed personnel sa panukalang bagong pension system.
Muling kinumpirma ni dela Rosa na marami nang law enforcers ang nagsabi sa kanya na handa nang maghain ng kanilang early retirement kung hindi papabor sa kanila ang reporma sa pension system.
May kinalaman ito sa panukala ng Department of Finance (DOF) na hingan ng 5 hanggang 9 percent na kontribusyon sa kanilang mga sahod ang MUPs para sa kanilang retirement pay.
Sinabi ni dela Rosa na kung masolusyunan man ng reporma sa MUP pension system ang pagbagsak ng pananalapi sa bansa, ang sunod namang magiging malaking problema ang pagbagsak ng seguridad at depensa ng bansa sakaling magkaroon ng ‘mass exodus’ ng mga sundalo o pulis na nagbabalak na magretiro nang maaga.
Kailangan aniyang ikonsidera ang magiging epekto sa bansa ng reinforcement collapse kung halos lahat o karamihan ng MUPs ay mag-aalisan.
Trabaho ng economic team
Samantala, tutol si Senador Robin Padilla sa ipinapanukalang hihingan ng lima hanggang siyam na porsyentong kontribusyon ang mga unipormadong tauhan ng gobyerno.
Sinabi ni Padilla na mas dapat ay gawan ng paraan ng gobyerno na mahanapan ng sapat na pondo ang pensyon ng mga MUP na itinataya ang kanilang buhay sa serbisyo sa taumbayan.
Binigyang-diin ng senador na kailangang ayusin ang mga hakbangin upang matiyak na magkaroon ng law and order sa bansa at hindi mapapabayaan ang seguridad sa paligid.
Maaari anyang ikonsidera ang reporma sa MUP pension kapag dumating ang panahon na wala nang matatawag na rebelde sa bansa at hindi na tinataya ng mga unipormadong tauhan ng gobyerno ang sariling buhay sa mga operasyon.
Iginiit ng senador na nakakagawa ng paraan ang gobyerno para makahanap ng pondo sa ibang bagay kaya’t tiwala siyang mahahanapan din ng sapat na pondo ang pensyon ng mga MUP. (DANG SAMSON-GARCIA)
