Matapos umamin na ‘dinoktor’ ang dineliber na face shields PHARMALLY OFFICIAL MISSING?

IBINUNYAG ni Senador Richard Gordon na hindi na makontak ng Senate Blue Ribbon Committee ang opisyal ng Pharmally Pharmaceuticals Corp. na umamin ng ilang iregularidad sa delivery ng COVID-19 supplies sa gobyerno.

Sa kanyang tweet, sinabi ni Gordon na hindi na nila makontak si Krizle Grace Mago, ang Pharmally officer na umaming tinamper o binago ang expiration dates ng face shields na idineliber sa Department of Health.

Ito ay matapos mangako na pag-iisipan ang alok ng Senado na bibigyan siya ng proteksyon kapalit ng pakikipagtulungan nito.

“Pharmally Pharmaceutical official Krizle Mago hindi na ma-contact ng Senate Blue Ribbon Committee!” saad ni Gordon.

“Noong ika-siyam na pagdinig ay inalok natin siya ng pagkakataon na mabigyan ng proteksyon ng Senado ngunit nais niya muna raw itong pag-isipan,” dagdag ng senador.

Sa pagdinig noong Biyernes, inamin ni Mago na binago ang certificates ng “substandard” face shields alinsunod sa kautusan ni Pharmally corporate treasurer at secretary Mohit Dargani na tumanggi naman sa akusasyon.

Naniniwala rin si Mago na niloloko ng kumpanya ang gobyerno.

Una nang ipinakita ni Senador Risa Hontiveros ang isang video na nagpapakita na inamin ng isang Pharmally employee na pinalitan nila ang certificates ng face shields mula 2020 at ginawang 2021. (DANG SAMSON-GARCIA)

157

Related posts

Leave a Comment