PUNA
NAKATANGGAP ng reklamo ang PUNA mula sa mga nakaranas ng bulok na sistema riyan sa Matnog Port sa Sorsogon, sa Bicol Region.
Kabilang sa mga reklamo ay ang kawalan ng maayos na patakaran lalo sa mga pumapasok at lumalabas na mga sasakyan na tulad ng motor, kotse, pampubliko o pribadong bus, trucks at iba pa.
Magkakahiwalay ang mga tolda ng kinukuhanan ng mga number, dokumento at babayaran para sa mga tatawid sa kabila sa Allen Port, Samar.
Sa ating personal na karanasan noong nakaraang taon (2022) mahigit kumulang sa 20 kilometers bago pa pumasok sa Matnog Port ay may tolda na nag-iisyu pala ng numero para sa mga dadaan sa nasabing pantalan.
Hindi kami aware na mayroon palang ganoong patakaran sa Matnog Port kaya tuloy-tuloy ang aking kapatid sa pagmamaneho ng aming sasakyan kaya nalagpasan namin ang nasabing tolda.
Isa hanggang dalawang kilometro bago kami nakapasok sa Matnog Port ay nadaanan namin ang maraming tolda na kung saan ay pinapara kami ng ilang nakabantay.
Tinanong agad kami kung nakakuha raw kami ng numero sa dinaanan naming unang tolda, sinabi naming hindi dahil wala kaming alam at hindi kami pinapara, gabi pa man din at aambon-ambon pa sa lugar nang dumaan kami.
Pinabalik kami sa unang tolda na nasa layong mahigit kumulang 20 kilometro mula sa Matnog Port.
Bukod dito, ay napakarami ring dokumentong kailangang ipresenta bago makasakay ang mga sasakyan sa mga barko na nakadaong sa Matnog Port.
Wala rin mga galang sa kanilang mga parukyano ang mga nangangasiwa sa Matnog Port at may palakasan pa na nangyayari, ayon sa ating natanggap na impormasyon.
Base sa reklamo, ‘pag malakas kay Matnog Mayor Cattleya So ay walang mga dokumentong gaanong hinihingi at nakakasakay agad sa mga barko na patawid sa Allen Port sa Samar. Totoo po ba ‘yan, Mayor So?
May nakausap tayong isa sa mga tauhan ng isang tolda sa Matnog Port na wala raw po silang magagawa dahil ‘yun po ang utos sa kanila ng lokal na pamahalaan ng Matnog. Ganoon ba ‘yun, Mayor, kahit na bulok ang sistema ay ayaw nilang mabago?
Sa ating natanggap na impormasyon, may tolda ang local government unit ng Matnog, Philippine Ports Authority (PPA), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP) at iba pa sa lugar.
Sa kabila ng maraming pinagsamang ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa dumadaang mga sasakyan sa Matnog Port ay hindi pa rin nila maayos ang kanilang sistema.
Kaya hindi tayo nagtataka kung bakit kilo-kilometro ang haba ng pila ng mga sasakyan bago pa makapasok sa Matnog Port at makasakay sa mga barko.
Magkano ang kalakaran para maging priority kang makasakay sa barko at makatawid sa Allen Port?
Apektado nito ang mga truck na may sakay na mga kalakal papuntang Visayas at Mindanao na dumadaan sa Matnog Port, at nagmula pa sa Metro Manila at iba pang parte ng Luzon.
Ayon pa sa nakausap nating trucker, nabubulukan sila ng mga kargamento dahil minsan ay inaabot ng mahigit sa isang linggo ang paghihintay ng kanilang truck bago ito makaalis sa Matnog Port.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
