MAY DELICADEZA PA BA SI SEC. DUQUE?

ITO ang tanong ng ­mar­aming Pinoy kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque dahil sa kabila ng kaliwa’t kanang panawagan na magbitiw na siya ay matigas pa rin ang kanyang paninindigan na hindi siya aalis hangga’t hindi siya tinatanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Simula pa lang ng pandemya ng COVID-19 na nananalasa sa bansa ay marami na ang PUNA sa pagtugon ng DOH dito sa pamumuno ni Duque.

Sinundan pa ng bilyong pisong katiwalian ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na siya ang Ex-Officio chairperson. Sa panahon pa man din ng pandemya.

Bagama’t naghugas kamay si Duque na wala siyang alam sa kontrobersiya sa PhilHealth ay hindi ­kumbinsido ang maraming Pinoy na wala siyang kinalaman dito.

Hanggang sa lumabas na nga ang report ng Commission on Audit (COA) kamakailan na may ­”discrepancy” sa paggamit ng DOH sa COVID-19 funds.

Sinabayan pa ng mga reklamo ng maraming health workers na hindi pa sila nakatatanggap ng kanilang Special Risk Allowance at iba pang benepisyo na ipinangako ng DOH.

Kaya sa pagkadismaya ng health workers sa ­pa­munuan ng DOH ay ­sini­mulan na nila ang sunod-sunod na kilos protesta.

Sabi nila, hindi ­maaaring piliin lang ng DOH ang kanilang bibigyan ng SRA at iba pang benepisyo ngayong panahon ng pandemya.

Ayon sa kanila, lahat ng mga empleyado sa mga ospital ay delikado na mahawaan ng COVID-19 lalo na ngayong matindi ang Delta variant.

Kaya hindi sila sang-ayon sa sinasabi ni Duque na ang dapat lang makatanggap ng SRA at iba pang benepisyo ngayong ­pandemya ay ang
health workers lang na ­nangangalaga sa ­pasyente na may COVID-19.

Ang sistemang ipinatutupad ng pamunuan ni Duque sa DOH sa pagbibigay ng SRA at iba pang benepisyo, ay hindi patas, base sa ­reklamo ng maraming health workers.

Hindi rin magkatugma ang sinasabi ng Department of Budget and Management (DBM) sa nasabing pondo para sa SRA at iba pang benepisyo.

Lalong hindi naniniwala ang health workers sa sinasabi ni Duque kaya panawagan nila rito ay magbitiw na ito sa kanyang tungkulin.

Maging ang mga senador ay matagal nang ­nanawagan na mag-resign na si Duque pero matigas pa rin ang ­kanyang ­paninindigan na hindi siya aalis hangga’t hindi siya pinaaalis ni ­Pangulong Duterte.

Sa kabila ng maraming panawagan na magbitiw na si Duque ay nananatili pa rin ang tiwala ni Pangulong Duterte sa kanya.

Ano raw bang mayroon si Duque at ayaw siyang bitawan ni Pangulong Duterte?

Ganun na ba ang mga Pinoy ngayon, wala nang delicadeza? tanong ng mga nakausap ng PUNA.

Kamakailan sa “Talk to the Nation” ni Pangulong Duterte ay parang bibigay na siya, bagama’t hindi pinagbibitiw si Duque sa pwesto, pero kung kusa itong magpapaalam ay papayagan niya ito.

Sinabi naman ng kalihim, aayusin muna raw niya ang kinukwestiyon na pondo ng kagawaran bago siya umalis at malinis niya ang kanyang pangalan sa katiwalian.

Mas makabubuti kay Sec. Duque na mag-resign na siya dahil hindi siya titigilan ng health workers sa panawagan na umalis siya.

Tutal malapit na ring matapos ang termino ni Pangulong Duterte. Para may panahon pa kayo sa ­paghahanda kung may plano kayong tumakbo sa 2022 presidential and local elections. Bye! Mang Kiko.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com.

167

Related posts

Leave a Comment