May fixed salary, insurance BRGY. OFFICIALS GAGAWING REGULAR GOV’T EMPLOYEES

MAGKAKAROON na ng fixed salary ang lahat ng barangay officials kapag naipasa ang isang panukalang batas sa Kamara.

Bukod dito, nakasaad sa House Bill (HB) No. 502 na magkakaroon na rin ng insurance ang mga barangay official.

“It is high time that our barangay officials be given what is due for them and recognize their vital role in carrying out government activities to the communities,” ani Davao City Rep. Paolo Duterte na isa sa mga may akda sa nasabing panukala.

Sa ngayon ay nakadepende sa Internal Revenue Allotment (IRA) ang tinatanggap na kompensasyon ng mga barangay captain at barangay councilors na tinatawag na honorarium.

Subalit sa ilalim ng nasabing panukala, hindi honorarium lang ang matatanggap ng mga ito kundi fixed salary at ituturing na sila bilang regular government employees.

Kapag naipasa ang panukala na tinawag na “Barangay Officials Salaries and Insurance Act”, makatatanggap ng sahod ang mga barangay captain na katumbas 80% sa sahod ng city at municipal councilors sa kanilang bayan o siyudad.

Katumbas naman ng 65% sa sahod ng mga city at municipal councilor ang matatanggap ng mga barangay council member.

Maging ang mga barangay secretary at treasurer ay makatatanggap ng sahod na katumbas naman ng 50% ng buwanang suweldo ng city at municipal councilors sa kanilang lugar.

Bukod dito, otomatikong magiging miyembro ang mga barangay official sa Government Service Insurance System, PhilHealth at Pag-Ibig Fund bilang kanilang insurance. (BERNARD TAGUINOD)

210

Related posts

Leave a Comment