LAGUNA – Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa pagpatay sa dalawang negosyanteng natagpuang patay sa loob ng sasakyan sa Calamba City noong Miyerkoles ng umaga.
Iniwan ang bangkay ng mga biktimang sina Arman Nikko Bautista, 32, at April Rhon Reyes, 21, sa loob ng abandonadong Mercedes Benz na may plate number na WAG-833, sa bakanteng lote sa Cassandra Subdivision sa Barangay Banlic.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Calamba City Police Station, natagpuan ng isang concerned citizen ang abandonadong sasakyan sa lugar.
Nang siyasatin ng mga awtoridad, nakitang may mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na nakatakip ng kumot ang isa habang ang isa nama’y karton ang itinakip.
Ayon sa mga kaanak, mayroong katatagpuing katransaksyon ang mga biktima noong Martes sa isang gasoline station sa kalapit na barangay sa San Cristobal.
Mula noon ay hindi na nakabalik ang mga ito hanggang sa natagpuan na lamang noong Miyerkoles ng umaga ang kanilang sasakyang nakaparada sa nasabing lugar at nasa loob nito ang wala nang buhay na mga biktima. (CYRILL QUILO)
197 