MAY PERA, AYAW LANG GASTUSIN

ISA sa natatandaan kong turo sa amin sa eskuwelahan ay hindi dapat ­magtipid ang gobyerno pagdating sa serbisyo publiko para matulungan ang mga tao na umangat sa kanilang kalagayan.

Kaya nakadidismayang malaman na may mga pondo ang gobyerno na hindi nagagamit ng mga ahensya para tulungan ang sektor na kanilang nasasakupan.

Tulad na lamang nitong P4.99 billion na inilaan sa ilalim ng Bayanihan 2 na hindi pa nagagamit kahit nagsimulang umiral ang Bayanihan to Recover as One Act noong Setyembre 2020.

Naglaan ang Kongreso ng P9.08 billion para ipa­utang sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na naapektuhan sa pan­demya ng COVID-19 pero 2022 na 45.04 percent pa sa pondong ito ang hindi pa nagagamit.

Imposibleng walang gus­tong umutang na ­maliliit na mga negosyante lalo na’t wala namang interest ang uutangin nila pero halos kalahati pa sa pondong ito ang hindi pa nagagamit, eh mahigit isang taon na ang nakalipas.

O baka naman pinahihirapan ang maliliit na mga negosyante sa requirements kaya marami ang ayaw umutang? Sabagay istilo na ng gobyerno ang pagpapahirap sa mamamayan bago makakuha ng tulong.

Hindi lang ‘yan, may P2.5 billion na inilaan din para sa transport sector na apektado rin ng pandemya, para bigyan ng ayuda ang mga tsuper at operators pero hindi pa nagagamit.

Walang malinaw na paliwanag ang Department of Transportation (DOTr) kung bakit hindi agad ibinigay ang ayudang ito sa mga tsuper na nawalan ng kayod dahil sa pandemya.

Ngayon, gagamitin daw ang pondong ito para sa fuel subsidy dahil tumataas ang presyo ng langis dahil sa giyera sa Ukraine pero inilaan ang pondong ito sa panahon ng pandemya.

Meron ding pondo para punan ng mga ahensya ng gobyerno kasama na ang local government units (LGUs), ang mga bakanteng posisyon pero ayaw lagyan ng mga tao.

Mas gusto ng gobyerno na mag-empleyo ng job order at casual employees kaysa lagyan ng mga tao ang mga permanent position gayung may pondo na para sa posisyong ito.

Hindi ko alam kung bakit nagtitipid ang gobyerno at hindi gamitin ang pondong ibinigay sa kanila eh hindi naman nila pera ‘yan kundi pera ng taumbayan na dapat ibalik sa kanila.

Kung sa loob ng bahay ay nagtitipid ang mga magulang, naintindihan ko ‘yun pero iba ang istraktura ng pamilya at gobyerno. Natural lang na magtipid ang pamilya lalo na kung limitado ang budget pero ang gobyerno hindi ko maintindihan kung bakit nagtitipid.

Kailangang gastusin ng gobyerno ang perang ­ibi­ni­gay sa kanila para sa serbisyo-publiko at imprastraktura na pakikinabangan ng mamamayan dahil ­budgeted na iyan.

Aanhin niyo ang ­matitipid niyo kung hindi naman natulungan ang mga tao? Bakit pa kayo nandyan kung ­titipirin niyo ang mga tao at anong gagawin n’yo sa ­natipid n’yong pondo?

150

Related posts

Leave a Comment