KUMBINSIDO si Senador Win Gatchalian na may kumikilos na sindikato sa loob ng Procurement Service ng Department of Budget and Management.
Sinabi ni Gatchalian na batay sa unang araw ng kanilang imbestigasyon sa sinasabing pagbili ng overpriced at outdated laptops para sa mga guro, maraming loopholes sa proseso ng ahensya na sinasamantala ng sindikato.
“So my point of the matter is, personally, looking at the setup in PS-DBM, I clearly believe that there’s something wrong with their procedures and people are taking advantage of that. And I clearly believe that probably may sindikato operating inside PS-DBM, taking advantage of the loopholes,” pahayag ni Gatchalian.
Ipinaalala ni Gatchalian na ang layunin ng PS-DBM ay makatipid ang gobyerno sa mga procurement, maging mabilis ang proseso at maging transparent.
Subalit kung hindi anya ito kayang gampanan ng PS-DBM ay dapat nang buwagin ang ahensya.
Samantala, inirekomenda ni Senador Koko Pimentel ang pagsasagawa ng COA ng fraud audit sa transaksyon.
Sinabi ni Pimentel na may karapatan ang COA na laliman pa ang kanilang pagsisiyasat para matukoy ang mga dapat managot sa iregularidad.
“Ganito na sumasabog ang mga issues pinatulan na rin ng Kongreso, I urge the COA to exercise their power, their authority or right to conduct a fraud audit,” giit ni Pimentel.
Hinamon din ni Pimentel ang DBM na magpatupad ng mga reporma sa kanilang ahensya upang malinis ang PS-DBM at kung hindi ay wala nang dahilan sa existence nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
