MAYNILA HANDANG-HANDA NA SA UNDAS

TODO na ang paghahanda ng pamahalaang lungsod ng Maynila para sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa mga pampublikong sementeryo ng lungsod.

Inatasan ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang lahat ng frontline departments na tiyakin ang buong presensya ng gobyerno sa Manila North, South, at Islamic Cemeteries sa mismong pagdiriwang ng Undas.

Sa ginanap na directional meeting nitong Oktubre 27, ipinag-utos ni Domagoso na manatiling visible at alerto ang mga tauhan sa ground para sa pamamahala ng tao, kaligtasan, at mabilis na serbisyo sa publiko.

Muli rin niyang ipinagbawal ang pagtitinda sa loob ng sementeryo, maliban sa mga awtorisadong vendor na nakatalaga sa mga puwesto sa labas ng gate upang maiwasan ang siksikan at mapanatili ang katahimikan ng mga libingan.

Ipinag-utos din ng alkalde sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) na maglagay ng social workers sa mga information desk at command post para tumulong sa mga nawawalang bata, senior citizens, at PWDs.

Samantala, nag-utos si Domagoso ng 24/7 koordinasyon sa pagitan ng Manila Police District (MPD), Department of Public Services (DPS), at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) upang masiguro ang kalinisan, seguridad, at maayos na daloy ng trapiko sa panahon ng Undas.

(JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)

27

Related posts

Leave a Comment