MERALCO, KAAGAPAY NG PAMAHALAAN SA PAGSUSULONG NG KAUNLARAN NG BANSA

Nakiisa ang Meralco sa BIDA program, ang kampanya ng DILG kontra sa droga na tatakbo sa susunod na anim na taon.

Ngayong unti-unti nang bumabalik sa normal ang takbo ng buhay, nakatutok ang mga bansa sa pagbangon mula sa epekto ng pandemya at muling pagpapalago ng ekonomiya. Para sa isang developing country gaya ng Pilipinas, napakahalaga ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga miyembro ng pribadong sektor upang masiguro ang pagkamit nito.

Bilang pakikiisa sa layuning ito, ang Manila Electric Company (Meralco) bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, ay naglulunsad ng mga inisyatibang higit pa sa mandato nitong maghatid ng sapat at maaasahang serbisyo ng kuryente 7.7 milyong customer nito.

Inihahanay ng Meralco ang mga layunin nito sa layunin ng pamahalaan na makamit ang pangkalahatang kaunlaran, kung saan batay mismo sa mga salita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., “no Filipino is left behind”.

 Gamit ang kahusayan at kapasidad nito, tumutulong ang kumpanta hindi lamang sa mga customer kundi maging sa mga komunidad sa mga liblib at malalayong lugar na mas nangangailangan ng tulong.

Pagsusulong ng mga pagbabago sa sektor ng transportasyon

 Ang mga mauunlad na bansa ay kapwa mayroong mga mahuhusay na imprastraktura at sistema ng transportasyon. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga ito para manghikayat ng mga mamumuhunan at magkaroon ng mahusay na sistema ng lokal at rehiyonal na kalakalan.

Sa isang pagpupulong na ginanap noong Nobyembre 2022 kasama ang Department of Transportation (DOTr), muling ipinahayag ng Meralco ang suporta nito sa mga proyekto at insiyatiba ng ahensya.

Sa pamamagitan ng pole relocation project ng kumpanya, nasisiguro ng Meralco na hindi makahahadlang ang mga pasilidad nito sa pag-andar ng mga proyekto ng DOTr gaya ng itinatayong NAIAx-EDSA Tramo Connecting Ramp at Skyway Stage 4.

Ipinangako rin ng Meralco ang pagsiguro na mayroong sapat na supply ng kuryente para sa mga bagong proyekto ng ahensya gaya ng LRT-1 Cavite Extension Packages 2 at 3, North-South Commuter Railway (NSCR) Extension mula Calamba hanggang Batangas, MRT-4, MRT-7 Extension Project, LRT-2 West Extension, EDSA Greenways, EDSA Bus Rapid Transit-Busway Concourse, at iba pa.

Bukod pa rito, aktibo ring tumutulong ang Meralco sa pagkuha ng mga right of way (ROW), clearance, at iba pang kaukulang permit na malaking tulong din sa pagpapatuloy ng relocation project ng kumpanya.

Nagsagawa ng pole relocation ang Meralco malapit sa Imelda Bridge, La Huerta, Paranaque City para sa gingagawang LRT Line 1 Cavite Extension Project.

Upang lalo pang pagtibayin ang pakikiisa ng Meralco sa inisyatiba ng pamahalaang paigtingin ang mga imprastrakturang pang-transportasyon, nag-alok ng tulong ang kumpanya matapos mapadalas ang insidente ng pagkaantala ng serbisyo ng kuryente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ipinangako rin ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan ang libreng pagsasagawa ng komprehensibong electrical audit sa pasilidad ng kuryente ng NAIA sa pamamagitan ng MServ, Inc., isa sa mga malalaki at nangungunang energy service company na pag-aari ng Meralco.

Sa tulong ng electrical audit, inaasahang makakahanap ng pangmatagalang solusyon ang Manila International Airport Authority (MIAA) upang hindi lamang tuldukan ang mga insidente ng pagkaantala ng serbisyo ng kuryente na nakaabala sa mga pasahero kundi maisaayos din ang operasyon ng paliparan.

Pagkakaroon ng mas ligtas at matatag na mga komunidad

 Bahagi ng papel na ginagampanan ng Meralco bilang isa sa mga malalaking utility sa bansa ang pagsusulong ng pampublikong kaligtasan.

Batid ng kumpanya kung gaano kahalaga para sa bansang kagaya ng Pilipinas na nasa Pacific Ring of Fire ang pagkakaroon ng epektibong sistema ukol sa emergency preparedness at disaster response na maaaring agarang ipatupad sakaling magkaroon ng kalamidad sa bansa.

Isa sa mga inisyatiba ng Meralco na sumisiguro sa pampublikong kaligtasan ang pakikipagtulungan nito sa Bureau of Fire Protection (BFP). Noong 2022, pumirma ang Meralco at BFP ng Memorandum of Agreement upang gawing opisyal ang pagsasanib-pwersa ng dalawa sa pagpapaigting ng kapasidad sa emergency response sa hurisdiksyon ng BFP-NCR.

Alinsunod sa naturang kasunduan, pinasinayaan ng Meralco ang bago nitong Meralco Rescue Fire Sub-station na matatagpuan sa headquarters nito sa Pasig noong nakaraang Marso kasabay ng Buwan ng Pag-iwas sa Sunog.

Ang bagong Meralco Rescue Fire Station ay magsisilbi ring headquarters ng Meralco Rescue Fire Brigade.

Dito nakalagak ang mga fire truck, water tanker, rescue tender, at mga rescue boat ng kumpanya. Dito rin isinasagawa ang pagsasanay ng mga bumbero at ng mga miyembro ng rescue team.

Mas mabilis at mas madali rin ang pakikipag-ugnayan ng BFP sa Meralco sa tuwing mayroong insidente ng sunog. Sa pamamagitan ng communication system sa bagong fire sub-station, mabilis naaabisuhan ng BFP ang Meralco kung kailangang patayin ang linya ng kuryente sa mga lugar ng sunog.

Dagdag pa rito, nang ilunsad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang web application na “PlanSmart Ready to Rebuild”, ito’y nagsilbi bilang isa nanamang pagkakataon upang makatulong ang Meralco sa inisyatiba ng pamahalaan. Layunin ng naturang web application ang pabilisin at gawing moderno ang proseso ng pagpaplano para sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) ng bansa.

Sa tulong ng One Meralco Foundation (OMF), ang social development arm ng kumpanya, sumuporta ang Meralco sa iba’t ibang aktibidad kaugnay ng PlanSmart. Kabilang na rito ang serye ng regional training na naglalayong palakasin at paigtingin ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan sa disaster response.

Aktibong tumutulong ang OMF sa pagpapaigting ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) planning ng bansa.

 Higit sa 180 na kinatawan ng 52 na lokal na pamahalaan mula sa Metro Manila, rehiyon ng Southern Tagalog, at Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao, na kapwa bahagi ng kani-kanilang programa ukol sa rehabilitasyon at pagbangon mula sa mga kalamidad, ang nakinabang sa mga aktibidad kaugnay ng programa.

Isa pang mahalagang aspeto ng pampublikong kaligtasan na pinahahalagahan ng Meralco ay ang pagpapanatiling drug-free ng mga opisina nito. Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, ang tagumpay ng laban kontra sa droga ay nakasalalay sa pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

Kaugnay nito, nakipagtulungan ang Meralco sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagsugpo sa ilegal na droga sa bansa.

Ang Meralco, sampu ng iba pang miyembro ng pribadong sektor, ay pumirma ng Memorandum of Understanding (MOU) upang pormal na lumahok sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, ang programang “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” (BIDA).

 Sa bahagi ng Meralco, nangako ang kumpanya na ipagpapatuloy ang pagsasagawa ng random drug testing sa mga empleyado upang masigurong mananatiling drug-free ang mga opisina nito. Magsasagawa rin sila ng mga seminar na naghahatid ng impormasyon sa mga empleyado ukol sa masasamang epekto ng ilegal na droga.

Mga inisyatiba tungo sa pag-unlad

 Isa sa pangunahing pundasyon ng sustainability program ng Meralco ang “Prosperity” o kasaganaan. Alinsunod sa konsepto ng pamahalaan ukol sa kasaganaan, layunin ng Meralco ang makapaghatid ng serbisyo ng kuryente sa mga liblib na lugar sa bansa nang magkaroon din ang mga ito ng pagkakataong umunlad.

Sa pamamagitan ng electrifcation program ng OMF, nakatutulong ang Meralco sa layunin ng pamahalaan na mabigyan ng serbisyo ng kuryente ang bawat sulok ng bansa. Nakikipagtulungan ang kumpanya sa iba’t ibang lokal na pamahalaan upang maghatid ng liwanag at pag-asa sa mga malalayong komunidad nang mapabuti ang kalidad ng edukasyon at kabuhayan sa mga lugar na ito.

Mula 2011, nasa 290 na paaralan na mula sa 38 na probinsya sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang natulungan ng school electrification program ng OMF. Sa kasalukuyan, umabot na sa 89,235 na mag-aaral at 2,903 na guro ang natulungan ng programa.

Sa pamamagitan ng pagkakabit ng mga solar rooftop systems sa mga paaralan, nabibigyan ng pagkakataon ang mga guro na makagamit ng iba’t ibang kagamitan sa pagtuturo na nangangailangan ng kuryente. Bilang resulta, hindi na kinakailangang bumyahe ng ilang oras sa pamamagitan ng bangka ang mga guro upang makarating sa bayan para lamang makapag-charge ng laptop, makagawa ng mga report, at makapag-print ng mga materyales na gagamitin sa pagtuturo.

Kabilang sa mga bagong benepisyaryo ng school electrification program ng OMF ang Lim Elementary School sa Caluya, Antique at Sibolo Elementary School sa isla ng Sibolo na matatagpuan din sa Antique. Nagkabit ng 1-kilowattpeak na solar PV system ang OMF sa dalawang paaralan na ito para magkaroon ng liwanag at maayos na bentilasyon.

Ang pagbibigay ng serbisyo ng kuryente sa mga off-grid na paaralan ay bahagi ng inisyatiba ng OMF sa ilalim ng community electrifcation program nito. Kabilang din sa mga tinutulungan ng programa ang mga kabahayan, rural health center, water access, at programang pangkabuhayan at pang-agrikultura.

 Nasa 14 na guro at halos 250 na mag-aaral ang natulungan ng OMF at nabigyan ng pagkakataong makagamit ng iba’t ibang kagamitan sa pag-aaral gaya ng laptop, telebisyon, printer, at iba pa sa pamamagitan ng mga bagong proyektong ito.

Ang dalawang paaralan na ito ay kabilang sa pitong paaralan sa Antique na natulungan ng OMF mula nang umabot ang programa sa naturang probinsya noong 2015. Sa loob ng nakaraang walong taon, umabot na sa mahigit 1,200 na mag-aaral at halos 50 na guro ang natulungan ng programa sa Antique.

Bukod sa paghahatid ng liwanag sa mga liblib na lugar sa Pilipinas, tumutulong din ang Meralco sa digitalization ng bansa upang mas maging episyente ang operasyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

Suportado ng Meralco ang inisyatiba ng DILG at Anti-Red Tape Authority na ayusin at pabilisin ang proseso sa pagbigay ng mga permit, lisensya, at iba pang awtorisasyon mula sa mga lokal na pamahalaan.

Inilunsad ng ARTA ang proyektong “Paspas Pilipinas Paspas” sa pakikipagtulungan sa DILG, Information and Communications Technology (DICT) at ng National Association of Business Permits and Licensing Officers (NABPLO).

Bilang suporta, nagkaloob ang Meralco ng 500 na kompyuter na ipamimigay sa 27 na lokal na pamahalaan upang sa tulong ng modernong teknolohiya, mas mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya mula sa naging epekto ng pandemya. Inaasahang makatutulong ang mga kompyuter sa pagpapabilis ng pag-proseso ng mga kinakailangang permit para sa mga nagnanais magneogosyo sa bansa.

Sinuportahan ng Meralco ang programang “Paspas Pilipinas Paspas” sa pamamagitan ng pamamahagi ng 500 na kompyuter para sa mga lokal na pamahalaan.

 Magpapatuloy ang Meralco sa pakikiisa sa mga inisyatiba ng pamahalaan patungo sa pag-unlad. Makaaasa rin ang pamahalaan na hindi magaatubili ang kumpanya na tumulong sa mga programa at proyektong ilulunsad nito sa hinaharap. Gaya ng pamahalaan, nais din ng Meralco na makamit ng bansa ang pangkalahatang kaunlaran.

484

Related posts

Leave a Comment