MERITONG SAPAT, HINDI KASAPAKAT

ILANG kembot na lang at muli na namang gaganapin ang isang makasaysayang halalang sandigan ng kinabukasan. Pagsapit ng Mayo, isang demokratikong proseso ang pangangasiwaan ng taong itatalaga pa lang sa mga bakanteng pwesto ng ahensiyang trabaho’y tiyaking tapat, maayos at malinis ang halalan.

Ang totoo, may agam-agam ang karamihan lalo pa’t tanging ang ­Pangulo lang ang may kapangyarihang humirang ng mga komisyunadong kapalit ng tatlong opisyal na nagretiro.

Kung babalikan ang nakalipas na lima’t kalahating taon, pawang ka-lugar lang ng Pangulo ang iniluklok sa Commission on Elections ­(Comelec), bagay na lubhang nakababahala lalo pa’t siya mismo ay partisano.

Gayunpaman, walang alinla­ngang siya lang ang pwedeng magtalaga dahil ‘yun mismo ay itinakdang mandato ng punong ehekutibo batay sa probisyong kalakip ng Saligang Batas ng sambayanang Pilipino.

Ang siste, umarangkada na ang magulong kampanya subalit wala pang inilalabas na talaan ang Palasyo ng mga nominadong pagpipilian ng Pangulo. Sa isang banda, nakasanayan na karamihan ang ganyang kalakaran ng administrasyong sagana sa gulatan at pwer­sahan.

Sa dahilang kinabukasan ng mamamayan ang nakapusta sa nalalapit na halalan, higit na angkop na magtalaga ang Pangulo ng mga komisyunadong sagana sa integridad at merito – hindi ka lugar at lalong ‘di dapat utak-sindikato.

Sa tuwing manunumpa ang bagong Pangulo, bahagi ng kanilang sumpa ang pagsilbihan nang buong katapatan at walang pag-iimbot ang sambayanang Pilipino – mga kalatas na dapat na isabuhay sa ­paraang pagtatalaga ng karapat-dapat na mangangasiwa sa halalan.

Malaking bentahe rin kung ilalahad muna sa publiko ang mga kwalipikasyon ng nominado.

123

Related posts

Leave a Comment