1 PATAY, 4 SUGATAN SA AWAY SA TIANGGE 

KUTSILYO

PATAY ang isang lalaki habang apat na iba pang vendors ang sugatan matapos mauwi sa pananaksak ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa sa limang sangkot na tindero sa gulo kaugnay sa renta sa kanilang pwesto sa isang tiangge sa Barangay Sto. Niño sa Marikina City, noong Lunes ng madaling araw.

Sa paunang ulat ng Marikina City Police Station, kinilala ang namatay na si Kiram Olama Jabbar, 28, ng Mindanao Street, Maharlika Village, Taguig City, habang sugatan naman ang mga kasamahang vendor na sina Mohammad Yassin Arimao, 22, ng San Roque, Quezon City, na nagpapagaling ngayon sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC); habang sa Marikina Valley Hospital naman dinala si Abdul Jabbal Madim Macatoon, 39, ng Nimfa Street, Barangay Sto. Niño,  para lapatan ng lunas.

Isinailalim naman sa operasyon si Aganta Malawaze Acmanoden, ng No. 233-A Marquinton Condominium, Barangay Sto. Niño, Marikina City, sa ARMMC at kasalukuyan ding nagpapagaling.

Samantala, sugatan din ang nadakip na itinuturong suspek na si Dandy Silvestre, 24, kapwa vendor, naka-confine din ngayon  sa ARMMC matapos gulpihin ng mga kapwa vendor.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente dakong 1:45 ng madaling araw sa Marikina Tiangge sa Jogging Lane, ng Barangay Sto. Niño.

Napag-alaman, inihahanda na umano ng suspek ang kanyang mga paninda para i-pull out mula sa nabanggit na tiangge dahil sa matumal at mababa na umanong benta kaya nais na niyang umalis sa pwesto.

Nang makita ng mga organizer ng tiangge ang suspek habang nag-eempake ng mga paninda, kinausap nila ito  at pinigilang  umalis hanggang hindi pa nakukumpleto ang balanse niya sa nirerentahang pwesto.

Humantong ito sa diskusyon nina Acmonaden at suspek hanggang sa undayan ng saksak sa tiyan ang una ng huli.

Nagawa namang makatakbo ni Acmonaden at makahingi ng tulong sa mga kapwa tindero sa kabila ng saksak sa kanyang katawan ngunit maging ang mga tumulong sa biktima ay pinagsasaksak din ng suspek.

Bunsod nito, pinagtulungang gulpihin ng iba pang mga vendor sa lugar ang nasabing suspek. (NICK ECHEVARRIA)

177

Related posts

Leave a Comment