87 DISQUALIFIED SA BSKE – COMELEC

UMABOT na sa 87 ang bilang ng diskwalipikadong mga kandidato sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ayon sa Commission on Elections (Comelec) noong Lunes.

Sinabi ng Comelec, nabuo ito matapos nitong pagbigyan ang mga petisyon para sa disqualification na inihain laban sa pitong BSKE bets.

Sa disqualification cases, lima ang premature campaigning, ang isa ay nagsagawa ng maagang pangangampanya at pagbili ng boto, at ang isa ay tinanggal sa opisina dahil sa kasong administratibo.

Samantala, ang pagbili ng boto at pagbebenta ng boto ay itinuturing na isang paglabag sa halalan sa ilalim ng Seksyon 261 ng Omnibus Election Code.

Ang sinomang taong mapatunayang nagkasala ay dapat parusahan ng pagkakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon.

Gayundin, ang mga mapatutunayang nagkasala ay pagkakaitan ng karapatang bumoto at pagbabawalan na humawak ng pampublikong tungkulin, at ang partidong politikal na mapatutunayang nagkasala sa pagbili ng boto ay pagmumultahin.

Sinabi ng poll body na maaaring tumaas pa ang bilang ng mga disqualified na kandidato bago matapos ang taon, at idinagdag na ito ay nakatuon sa paglutas ng lahat ng nakabinbing kaso ng diskwalipikasyon na may kaugnayan sa BSKE.

(JOCELYN DOMENDEN)

124

Related posts

Leave a Comment