SIYAM katao ang binitbit ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) nang maaktuhang nagpa-party at lantarang nag-iinuman sa kalye sa Paco, Manila noong Linggo ng hapon.
Makaraang ipa-blotter sa nakasasakop na barangay, dinala sa MPD-Sta. Ana Police Station 6 ang mga inaresto na kinilalang sina May Flores, 26; Ivy Lumaga, 27; Joy Kris Ramos, 33; Christian Marcaida, 25; Elizabeth Delos Reyes, 32; Ginalyn Satore, 32; Romnick Mallari, 32; Ricay May Mallari, 23, at Alvin Domengiano, 22-anyos.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-4:00 ng hapon nang makatanggap ng reklamo ang nasabing himpilan ng pulisya hinggil sa siyam katao na nag-iinuman sa Batangas Line St. sa Paco, Manila.
Agad namang nagresponde ang mga pulis at inaresto ang mga nag-iinuman.
Bukod sa pag-iinuman sa kalsada, naobserbahan din na magkakadikit ang mga ito, walang suot na face masks at face shield at maiingay.
Ang mga inaresto ay sinampahan ng kasong paglabag sa Revised
Ordinance 5555 (drinking liquor in public place) at paglabag sa quarantine protocols ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF). (RENE CRISOSTOMO)
