NAG-DEPLOY ng kanilang mga tropa ang AFP Visayas Command na nakabase sa Cebu, bilang paghahanda para sa humanitarian aid at disaster response kaugnay ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
May kabuuang 464 tauhan ang naka-standby na binubuo ng mga opisyal, enlisted personnel, at mga miyembro ng CAFGU Active Auxiliary (CAA).
Ayon kay Lt. Gen. Fernando Reyeg, commander ng VISCOM, bitbit ng ipinadalang personnel ang kinakailangang disaster response equipment, mobility, at communication assets.
Ang mga miyembro ng 62nd Infantry Battalion ay tumulong sa forced evacuation ng 1,685 indibidwal mula sa apektadong mga lugar patungo sa iba’t ibang evacuation centers.
Kasama rito ang mga naninirahan sa 4-kilometer permanent danger zone.
Ayon pa kay General Reyeg, pangunahing prayoridad ngayon ng VISCOM ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente sa paligid ng Mt. Kanlaon.
Samantala, ang kalapit na lalawigan ng Bohol ay nagpaplanong magbigay ng pinansyal na tulong sa Lungsod ng Canlaon.
Ang Bohol Provincial Disaster Risk Reduction Council ay magpupulong na tungkol dito.
Patuloy na nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Kanlaon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology dahil sa patuloy na aktibidad na mino-monitor.
131