BAWANG, LUYA SUMIPA ANG PRESYO; BIGAS BABABA RAW?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAKAPAGTATAKA na ang agricultural products na tulad ng luya na pwedeng itanim lang sa ating mga bakuran, ay tumataas ang presyo.

Sa pinakahuling report na natanggap ng PUNA, umabot sa P300 ang kada kilo ng luya.

Mga negosyante umano sa bansa ang nagdidikta ng presyo ng luya kaya tumataas ang kada kilo nito.

Modus ng mga ito na bibilhin nang mura sa mga magsasaka ang luya at itatago at kapag kinapos na ang supply sa merkado ay saka nila ilalabas para ibenta sa mahal na presyo.

Maaaring i-stock nang matagal ang luya nang hindi nasisira dahil tumutubo lamang ito at hindi nabubulok, hindi katulad ng ibang agri-products.

Ang ganitong mapagsamantalang mga negosyante ang dapat nabibigyan ng matinding parusa ng pamahalaan dahil sila ang nagpapahirap sa mga Pilipino.

Sila ang dapat kinakasuhan ng economic sabotage nang hindi na sila makaulit sa kanilang ginagawa.

Nagiging paulit-ulit na lang kanilang ang ginagawang pagsasamantala sa sambayanang Pilipino, at hindi nabibigyan ng leksyon.

Hindi kapani-paniwalang walang nakikinabang sa pagtaas ng presyo ng luya na umabot na ngayon sa P300 ang kada kilo.

Ang luya ay isa sa pinakamahalagang sangkap sa pagluluto dahil pang-alis ito ng lansa sa mga ulam.

Ginagawa rin itong food supplement dahil may taglay itong nakagagaling sa sakit ng tao kaya marami ang nangangailangan nito.

Bukod sa luya, nagsimula na ring sumipa ang presyo ng bawang na umabot na sa P150 ang kada kilo nito.

Ang bawang ay mahalaga ring sangkap sa pagluluto ng ulam, kanin at iba pa.

Gamit din ito ng mga tao na mataas ang presyon ng dugo o may high blood pressure.

Samantala, nakatanggap naman tayo ng impormasyon sa susunod na mga araw ay posibleng bumaba ang presyo ng bigas.

Mula sa pinakamababang presyo ng bigas ngayon na P51 kada kilo ay posibleng maging P29 kada kilo na lang.

Aalisin daw kasi ang taripa sa bigas at magkakaroon din ng subsidy sa bigas ang gobyerno para makabili ng murang bigas ang ordinaryong mamamayan.

Bagama’t bababa ang presyo ng bigas ay hindi pa rin nasunod ang ipinangako dati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na sa ilalim ng kanyang administrasyon ay ibababa ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.

Suntok sa buwan ang pangakong ito dahil ang presyo ng palay sa farm gate ay umaabot ng P15 hanggang P25 kada kilo.

Kung magkano ang presyo ng palay ay doble ang presyo sa bigas kaya imposibleng may mabiling P20 kada kilo ng palay.

Kahit na may plano ang gobyerno na subsidy sa bigas ay hindi pa rin naabot ang presyong gusto ni PBBM na P20 kada kilo.

Ganunpaman, kahit hindi natupad ang pangakong P20 kada kilo ng bigas, kung may mabibili namang P29 kada kilo ng bigas ay malaking bagay ito sa naghihikahos na mga Pinoy.

Sana nga maging totoo na may mabibiling P29 kada kilo ng bigas sa susunod na mga araw.

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

38

Related posts

Leave a Comment