(NI TJ DELOS REYES/PHOTO BY CJ CASTILLO)
NALAMBAT ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang aktor, model kabilang na ang kasama nitong babae matapos ang isinagawang buy-bust operation kahapon ng umaga sa lungsod ng Taguig.
Kinilala ang mga nadakip na sina Aaron Linde Cruz, 25, isang aktor model at product endorser, residente ng MPlace Condominium Mother Ignacia Quezon City, Geraldine Vitto, 22, nakatira sa Blk 12 Welfare Ville Compound, Mandaluyong City.
Base sa ulat, dakong 5:30 ng umaga nang isagawa ang drug operation ng PDEA laban sa dalawa sa 38th Avenue, corner 36th Barangay fort Bonifacio Taguig City.
Lumalabas na isang PDEA agent ang nagpanggap na bibili ng illegal na droga at nang magkaabutan ay dito na dinakip ang aktor at ang kasama nito.
Napag-alaman na isang linggo din na isinailalim sa surveillance operation ang dalawa bago ikinasa ng PDEA ang operasyon laban sa mga ito.
Narekober mula sa mga suspek ang 84 na pirasong tableta ng ecstasy, dalawang supot na pulbos na ecstasy na nagkakahalaga ng P301,000 na plastic sachet na naglalaman ng cocaine na ang halaga ay P72,000, pitong bote na naglalaman ng liquid ecstasy na nagkakahalaga ng P84,000.
Samantala, inamin ni Vitto na sa kanya nakuha ang mga party drugs pero depensa nito na siya lamang daw ay napag-utusan at hindi niya alam na droga ang kanya dala-dala.
Nakapiit na ang mga suspek sa PDEA Detention cell habang inihahanda ang kaso na kakaharapin ng mga ito.
242