BABAENG BAON SA UTANG NAGBENTA NG SHABU, ARESTADO

TIMBOG ang 45-anyos na babae sa drug buy-bust operation dakong 1:05 ng hapon ngayong Linggo sa parking lot ng Sunshine Mall sa Bgy. Western Bicutan, Taguig City.

Sa ulat ng PDEA, nakipagkita ang suspek na si Saida Kadilon, residente ng Bgy. Maharlika ng nabanggit na lungsod sa agent poseur-buyer sa parking lot ng Sunshine Mall bandang ala una ng hapon at nagpalitan ng marked money at “item” .

Nang ibigay ng poseur buyer ang senyas, dinamba ng mga operatiba si Kadilon at nasamsam ang halagang P3.4 milyon ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit kumulang kalahating kilo at nakasilid sa paper bag isang fastfood.

Palusot ng suspek, hindi niya kakilala ang nagpabenta ng droga pero tinanggap niya ang “trabaho” upang makaahon sa pagkakabaon sa utang na 5-6 sa Bumbay.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Region 4-A, PDEA SES, PDEA NCR SDO at PDEA-BARMM sa pakikipagtulungan ng Taguig City Police. (DAVE MEDINA)

102

Related posts

Leave a Comment