TILA alam na ng taumbayan kung ano ang kalalabasan ng ginawang imbestigasyon ng Kamara at Department of Justice (DOJ) upang tuluyang mapatalsik bilang kinatawan ng 3rd district ng Negros Oriental si Arnolfo “Arnie” Teves Jr. kahit wala pang pormal na desisyon ang hukuman sa mga akusasyon laban dito.
Maugong ngayon ang balitang ang biyuda ng napaslang na si Governor Roel Degamo ang papalit sa binakanteng pwesto ni Teves sa Kamara.
Matatandaan na bago inilabas ng ethics committee ang kanilang naging basehan sa desisyon na tuluyang bakantehin ang upuan ni Teves sa mababang kapulungan ay umalma si dating House Speaker Pantaleon Alvarez at tinawag na kalokohan at mababaw na basehan upang mapatalsik si Teves dahil sa mga Facebook post nito na patama sa pamahalaan.
Kinondena rin ni Alvarez ang tila pagmamadali ng mga kapwa kongresista upang mapatalsik si Teves kahit wala pang napatutunayan sa mga akusasyon dito kabilang ang mga nangyaring patayan sa Negros Oriental noong 2019.
Bukod kay Alvarez ay inalmahan din ni Senador Chiz Escudero ang desisyon ng Anti-Terrorism Council para pangalanan si Congressman Teves bilang lider ng Teves Terrorist Group na aniya ay hindi sapat na basehan ang mga akusasyon upang iugnay ang inihalal ng taumbayan sa mga rebeldeng grupo kagaya ng NPA, ISIS at iba pa na naghahasik ng kaguluhan sa bansa.
Matapos mabakante ang posisyon ni Teves ay nangangailangan ngayon ng pondo ang Commission on Elections (Comelec) ng nasa P70 hanggang P75 million para sa idaraos na special elections sa ikatlong distrito ng Negros Oriental sa darating na Disyembre.
Sa ngayon ay hinahanapan umano ng paraan ng ahensya kung paano mapupunan ang budget para rito.
Kaugnay nito, hindi na nasorpresa ang mamamayang Pilipino sa maaaring ipalit sa nabakanteng pwesto ni Teves makaraang magpahayag ng kagustuhan tumakbo si Mayor Janice Degamo, asawa ng napatay na si Governor Degamo.
Sinabi ni Mayor Degamo na maraming nagtutulak sa kanya na tumakbo bilang kapalit ni Teves na tinawanan lamang ng ilang netizens na nagsabing scripted na ang mangyayari.
Dahil dito ay patong-patong naman na kaso ang isinampa ng pamahalaan kay Teves kabilang ang murder, attempted murder at frustrated murder para sa pagpatay kay Governor Roel Degamo at sa siyam na iba pa noong nakaraang March 4 kahit na binawi ng mga nahuling suspek ang kanilang naunang salaysay at sinabing sila’y tinakot at pinahirapan upang ituro si Teves na nasa likod ng massacre.
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
690