KAPWA pinapaboran ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) ang paggamit ng marijuana para sa panggagamot subalit kailangan na hindi makasasama sa taong gagamitan nito.
”My take is medicine is an innovation, we cannot guarantee na ito lang po tayo at darating sa future eh wala na, hanggang dito na lang,” pahayag ni FDA director general Dr. Samuel Zacate sa press briefing sa Malakanyang.
”My take on marijuana is that I am open, basically, Filipinos must have a wide range of therapeutic indication, drug of choice so ako po ay for the record, to the Food and Drug Administration, as the director general is very much open for the marijuana as long as this has been streamlined as long as di makakasama sa ating mga kababayan,” dagdag na wika ni Zacate.
Aniya pa, ang panukalang batas ukol sa medical use ng marijuana ay “subject to the wisdom of the legislative branch of government.”
Sa ulat, inaprubahan na ng House committee on dangerous drugs at House committee on health ang panukalang batas sa paggamit ng marijuana sa paggamot sa malalang karamdaman.
Inihayag ni House committee on dangerous drugs Chairman at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na ang mga panukalang batas patungkol sa medical cannabis o marijuana ay pinagtibay ng kanyang komite at committee on Health.
Nilinaw naman ni Barbers na eksklusibo lamang ito sa paggamit sa medisina at hindi para sa recreational tulad ng mga sakit na insomnia, matinding pagkabalisa, kanser at iba pa pero dapat ay may preskripsyon ng mga accredited na physicians.
Ang sobrang preskripsyon ng medical cannabis ay may katapat namang kaparusahang P500,000 na hindi hihigit sa P1 milyon at pagkakakulong ng anim na buwan hanggang anim na taon.
Ang nasabing panukala ay sasailalim sa pagsusuri ng Mother Committee bago ito pagdebatehan.
Sinabi naman ng DOH na kinokonsidera nila ang mga hakbangin hinggil sa legalisasyon ng medical marijuana kaya maingat na sinusuri ito para sa pagiging epektibo ng gastos at pinag-aaralan para sa potensyal na epekto sa kalusugan ng publiko.
Pinunto ng ahensya ang kahalagahan ng pagsaalang-alang sa kapasidad ng regulasyon ng lahat ng mga sangay ng pamahalaan na sangkot sa pagpapatupad bukod sa pangangasiwa ng mga batas.
Tiniyak naman ng DOH na hindi nila eendorso ang alinman sa pagtatanim ng mga halamang cannabis o paggawa ng mga pinakamahusay na cannabis.
Bilang paalala sa publiko, inulit nito ang paggamit ng marijuana ay nananatiling “illegal” sa ilalim ng kasalukuyang batas ng Pilipinas maliban na lang kung ang mga indibidwal ay nabigyan ng compassionate special permit na pinirmahan ng Director General ng Food and Drug Administration.
Ang permisong ito ay nagpapahintulot sa paggamit at pag-import ng mga medikal na marijuana sa bansa.
Siniguro naman ng ahensya ang publiko sa anomang update o development tungkol sa paggamit ng medical marijuana ay dapat na ipabatid.
(CHRISTIAN DALE/JULIET PACOT)
239