HUWAG DUNGISAN ANG IMAHE NG PNP-WPD – MAYOR LACUNA

“HUWAG nyo sana hayaang madungisan ang magandang pangalan at imahe ng Manila Police District (MPD).”

Ito ang panawagan ni Mayor Honey Lacuna sa kanyang pagsasalita sa MPD’s 123rd anniversary sa harap ng MPD officers and men sa pangunguna ni Director, Gen. Arnold Thomas Ibay at lahat ng station commanders at pinuno ng iba’t ibang units.

Sa kanyang maiksing mensahe, ginunita ni Lacuna ang Philippine Commission Act No. 70 na ipinasa at ipinatupad noong January 9, 1901, na nagtatag sa Metropolitan Police Force of Manila sa pamumuno ng noon ay Military Governor General Arthur MacArthur, Jr.

Matapos ang anim na buwan, ang Manila Police Department ay nilikha sa bisa ng Philippine Commission Act No. 183 at pinamunuan ni Capt. George Curry. Matapos ang 123 taon, ani Lacuna, ang institusyon ay patuloy sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan at pagbibigay ng seguridad at kaligtasan sa mga Manileño sa pamamagitan ng maingat at epektibong pagpapatupad ng batas sa lahat ng sulok ng lungsod.

Ayon kay Lacuna, sa kanyang mahigit dalawang dekada sa public office sa Maynila, nasaksihan niya kung paano ibinigay ng premier police force ang kanilang best and full performance sa kanilang tungkulin.

“Sa mahigit dalawang dekada kong paglilingkod sa pamahalaang lokal ng Maynila, nasaksihan ko ang husay at galing ng ating kapulisan. Lalo nitong nagdaang dalawang taon na ako ang pinagkatiwalaan ng mga kapwa nating Manilenyo na pamunuan ang buong lungsod.

Sa paglulunsad ng mahalaga nating programa at proyekto ay palagi nating katuwang at kasa-kasama ang Manila Police District. Ramdam ko ang dedikasyon at malasakit ng ating mga kapulisan,” ayon sa alkalde.

“Batid nating di naman perpekto ang lahat. May paminsan-minsan ding namamali ng direksyon ngunit sa kabuuan ay sinisikap ninyo na maging maayos sa lahat ng inyong mga gawain. Di naman natin kailangang maging sobrang talino o sobrang galing. Higit na mahalaga, tayo ay mabuti,” dagdag ni Lacuna.

Bilang isang pulis ng MPD, sinabi ng lady mayor na punong-puno siya ng pag-asa na magsisilbi silang modelo para sa mamamayan ng Maynila upang pamarisan.

“Magmula sa inyong mga tahanan, sa inyong sariling pamilya, sa pamayanan, sa inyong mga kapitbahay at mga kaibigan, sa tanggapan, sa inyong mga kasamahan, sa buong kapaligiran, mas maganda na sa inyong pagkatao nakikita ang pagiging isang responsableng mamamayan. Kayo ang mga tinatawag na alagad ng batas, marapat lamang na kayo mismo ay marunong tumupad sa lahat ng patakaran, mula sa mga simpleng mga batas,” pagbibigay diin ni Lacuna.

Nanawagan din ang alkalde sa kanila na ituring nilang kayamanan ang tiwala at paniniwala na ibinigay sa kanila ng city government at ang lahat ng nasasakupan nito na paglingkuran ng taas-noo nang may pagmamahal, dedikasyon, pagpapakumbaba at malasakit.

Ipinahayag ni Lacuna na ang city’s chief executive, ay tumatanaw ng utang na loob sa MPD dahil sa ipinapakita nilang dedikasyon, pagmamahal at malasakit sa kanilang pinaglilingkuran.

Sinabi ng alkalde na ang MPD police ang dahilan kung bakit payapang nakakatulog ang mga Manileño sa gabi at gumigising sa umaga upang mamuhay nang tahimik sa isang lungsod na ligtas.

“Salamat sa pagtupad ninyo sa mga tagubilin ko lalo na pagdating sa intense police visibility kung saan dama ng mga manilenyo ang presensya ninyo sa komunidad, sa pagpapa-iral sa mga pangunahing ordinansa na may kaugnayan sa disiplina ng bawat mamamayan,” Sabi ni Lacuna.

Idinagdag pa nito, “Asahan nyo rin na pinagsisikapan nating mabuti na ayusin, linisin, pagandahin, palusugin, pasiglahin at paunlarin ang Maynila. Ipagpatuloy nyo lang ang pagbibigay kapanatagan sa ating mamamayan. Bilang bahagi ng tinatawag na the Manila’s Finest, katuwang ko kayo sa ating layunin na makamit ang isang Maringal na Maynila o Magnificent Manila.”

(JESSE KABEL RUIZ)

128

Related posts

Leave a Comment