INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa Israeli national na nahaharap sa 200 complaints na inihain sa Germany ng kanyang mga biktima sa fraud cases at multi-million-euro investment scam.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang nasabing suspek na si Kfir Levy, 43-ayons, kasaluyan nasa kustodiya ng BI makaraang naaresto noong Biyernes, Oktubre 22, 2021 sa Diosdado Macapagal Avenue, Pasay City ng mga operatiba mula sa bureau’s Fugitive Search Unit (FSU).
Sinabi ni Morente, sa pamamagitan ng inisyu niyang mission order, inaresto ng kanyang mga tauhan si Levy dahil sa kahilingan ng German authorities na nagbigay ng impormasyon sa BI hinggil sa nabanggit na pugante.
Sa kabuuan, umabot umano sa tinatayang 6.3 million euros ang nakulimbat ng suspek sa kanyang mga biktima.
“Two weeks ago, we received information from German authorities about the charges against him,” ani Morente. “Now that we have him in custody, we will proceed with the deportation proceedings so he may be deported and blacklisted from the country for being an undesirable alien.”
Ipinaliwanag ni Morente na ang Israeli ay isang high-profile fugitive na pakay ng dalawang arrest warrants na inisyu ng German courts noong Pebrero ng nakaraang taon dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad ng fraud syndicate na kinabibilangan nito at umabot ng dalawang daan ang mga biktima mula taong 2016 hanggang 2019.
Ang unang warrant of arrest ay inisyu noong Pebrero 13, 2020 ng Bamberg District Court sa San Bavaria, habang ang ikalawa naman ay European arrest warrant na inisyu ng local court sa Bamberg.
Inihayag naman ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, si Levy na overstaying alien ay nanatili sa Pilipinas simula nang dumating bilang turista noong Enero 30, 2020.
Sinabi pa ni Sy na ang nasabing dayuhan na nahaharap sa sampung taon na pagkakakulong, ay miyembro ng criminal syndicate na nag-o-operate ng trading platforms na may kaugnayan sa Internet at nakatuon sa large-scale fraud sa kanilang mga customer, sa pamamagitan ng telephone calls at emails, at nanghihikayat na mag-invest ng malaking halaga ng pera at nangangako na maibabalik ang investment na may malaking tubo.
Si Levy ay kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportasyon. (JOEL O. AMONGO)
