ARESTADO sa entrapment operation ng mga tauhan ng Plaza Miranda Police Community Precinct, sakop ng Manila Police District- Station 3, ang isang 42-anyos na jobless habang nangongolekta umano ng “payola” sa mga vendor sa Quiapo, Manila.
Kinilala ni Police Captain Rowell Robles, hepe ng Plaza Miranda Police Community Precinct, ang suspek na si Roberto Bersola, residente ng Oroqueta Street, Sta. Cruz, Manila.
Base sa ulat ng pulisya, bandang alas-8:45 ng gabi nang dalhin sa tanggapan ni Police Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez, commander ng MPD-Sta. Cruz Police Station 3, ang suspek dahil sa sumbong ng mga vendor sa panulukan ng Carriedo at Platerias Streets sa Barangay 307, Quiapo, Manila.
Ayon sa mga vendor, humihingi ng P20 kada pwesto bilang “payola” ang suspek na nagpakilalang kolektor ng DSOU ng MPD.
Bunsod nito, nagsagawa ng entrapment operation sina Police Master Sgt. Sandro Cris, Police Staff Sgt. Sid Ahdel Abueg, Police Corporal Nazarene Dela Peña, Patrolman Christopher Montes, at Patrolman Melmarc Ibarra na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong robbery extortion.
(RENE CRISOSTOMO)
