(NI DAVE MEDINA)
NAISAAYOS na ang mga isyu sa right-of-way (ROW) kaya tuluy na tuloy na ang konstruksyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT1) extension project na magsisimula sa Baclaran, Paranaque City patungo ng Bacoor, Cavite simula sa Abril.
Sa panayam kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Timothy John Batan, tiniyak ng opisyal na naayos na nila ang ilang isyu na naging hadlang sa pagpapatuloy ng LRT Line 1 extension project.
“Ito pong Abril na ito, sa wakas mauumpisahan na po natin ‘yung tinatawag nating actual works doon po sa extension ng LRT1 patungong Cavite…Matagal na po ito, madami na po tayong kababayan lalo ‘yung galing Cavite na nagtatanong kung nasaan na ba ‘yung extension ng LRT1,” sabi ni Usec. Batan.
Sa orihinal na plano, idurugtong ang LRT Line1 Cavite extension project sa Baclaran station magmula ng Metro Manila papunta sa Lalawigan ng Cavite sa taong 2021 kung kailan inaasahang makukumpleto ang naturang proyektong magsasakay ng tinatayang aabot sa 410,000 pasahero araw-araw.
Ang 11.7 kilometrong extension project ng LRT Line 1 ay inaasahan ding magbabawas sa travel time ng 60 minuto mula sa dating 90 minutes o average na trenta minutos na lamang mula sa LRT Baclaran Station tungo sa Barangay Niog, sa Bacoor City.
Sa habang 11.7 kilometro mula Baclaran hanggang Niog, Bacoor City, 10.5 kilometro nito ay nasa itaas samantalang 1.2 kilometro ay kapnatay lamang ng kalsada
Nauna rito ay puntirya ng DOTR na maumpisahan ang konstruksyon ng LRT Line1 Cavite noong kalagitnaang ng 2018 pero inilipat ng target date sa buwan ng Oktubre dahil sa mga usapin sa right-of-way.
Dati nang pinlano ang pagtatayo ng extension ng LRT Line 1 sa habang 32.4 kilometro hanggang sa Aguinaldo highway sa Barangay Palapala, Dasmarinas City sa Cavite noong 1998 sa panahon ng noon ay Pangulo Fidel V. Ramos sa halagang P64.9 bilyon at io-operate sa ilalim ng programang build-operate-transfer (BOT) ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) , ang consortium ng Ayala Corporation, Metro Pacific Corporation at macquarie Infrastructure Holdings.
Ang LRMC ang operator din ng kasalukuyang LRT Line 1 na nagsisimula sa Baclaran, Paranaque City na dadaan ng Monumento Station hanggang sa Congressional Avenue sa Lunsod ng Quezon .
288