PINAGBABARIL hanggang sa mamatay sa harap mismo ng kanyang live-in partner ang isang 34-anyos na lalaki ng isa sa apat na hindi kilalang mga suspek na sapilitang pumasok sa kanilang kubo sa Malabon City nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon kay Malabon Police chief, Col. Angela Rejano, dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Valentino Espinoza ng P. Concepcion St., Brgy. Tugatog.
Ayon sa imbestigasyon nina P/MSgt. Julius Mabasa at P/SSgt. Ernie Baroy, dakong alas-2:10 ng madaling araw, natutulog ang biktima kasama ang kanyang live-in partner na si Maricel Dela Paz, sa kanilang kubo sa loob ng Tugatog Cemetery sa P. Concepcion St. nang sapilitang pumasok ang armadong mga suspek.
Pagkaraan ay pinagbabaril ng isa sa mga suspek ang biktima sa harap ng live-in partner nito at tumakas patungo sa Dr. Lascano Street.
Sa kasalukuyan, inaalam ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen. (FRANCIS SORIANO)
