LALAKI SA PAGPUSLIT NG GRANADA SA MRT KINASUHAN NA

mrt granada

(NI KEVIN COLLANTES/PHOTO BY ARCHIE POYAWAN)

TINIYAK ng Department of Transportation (DOTr) na hindi nila ipagwawalambahala lamang ang pagkaka-aresto sa isang lalaki na nahuling nagtatangkang magpuslit ng granada sa loob ng Cubao Station ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa DOTr, na pinamumunuan ni Transportation Secretary Arthur Tugade, seryoso nilang tutugunan ang isyu.

Magpapatupad umano sila ng mas mahigpit na seguridad sa mga istasyon ng kanilang tren upang matiyak na walang makakalusot na mga pampasabog at mga ipinagbabawal na bagay, na maaaring magdulot ng kapahamakan sa kanilang mga pasahero at mga empleyado.

Kaagad namang humingi ng pang-unawa at kooperasyon ang DOTr sa kanilang mga pasahero sa mas mahigpit na security measures na kanilang ipatutupad dahil ginagawa aniya nila ito para na rin sa kanilang kaligtasan at kapakanan.

“We will not take this sitting down,” bahagi ng pahayag ng DOTr, na ipinaskil sa kanilang social media accounts.

Kasabay nito, manawagan rin naman ang DOTr sa kanilang mga pasahero na maging vigilante, makipagtulungan sa kanila at kaagad na i-report kung may makikita silang anumang kahina-hinalang tao o aktibidad o gamit sa loob ng mga istasyon at kanilang mga tren, upang kaagad itong maaksiyunan.

Nauna rito, isang live MK-2 hand grenade ang nadiskubre ng mga personnel ng MRT-3 mula sa bag ng pasaherong si Christian Guzman, 29, habang pasakay ng Cubao MRT Station dakong 7:10 ng gabi.

Na-detect umano ito ng x-ray machine at nang tingnan ng guwardiya ay nadiskubre ang granada na nakabalot sa packaging tape at nakasilid sa isang cellphone box.

Kaagad namang inaresto si Guzman at sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9516 o Illegal Possession of Ammunition and Explosives.

Ayon kay Guzman, ang granada ay pagma-may-ari ng kanyang kapatid na isang dating sundalo, na nakita niya sa kanilang bahay.

Pinuri naman ni National Capital Region Police Office chief, P/Director Guillermo Eleazar ang MRT-3 dahil sa epektibong security system nito, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng granada.

148

Related posts

Leave a Comment