LIBU-LIBONG MANGGAGAWA HANAP NG SHOE INDUSTRY

(NI MAC CABREROS)

UPANG matugunan ang bultong order sa pagpasok ng holiday season, nangangalap ngayon ang shoe industry sa Marikina City ng libu-libong manggagawa, inihayag ngayong Huwebes nina Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro at Mr. Antonio Andres, pangulo ng Philippine Footwear Federation Inc.

Ayon kina Teodoro at  Andres, bukod sa manggagawa ay naghahanap din ang 54 manufacturers ng mga designer.

“Nais nating mapaangat ang antas sa kalidad o tibay at disenyo ng ating mga sapatos para hindi tayo mapag-iwanan sa style at technology bunsod nang paghigpit ng kompetisyon,” ayon kay Teodoro at binanggit ang pagbaha ng produkto ng ibang bansa bunsod ng pinasok na kasunduan sa mga bansa sa Southeast Asia.

Kasabay nito, inianunsyo ni Teodoro na itatayo ng Pamahalaang Lungsod ang Shoe Tech School para maturuan ang mga Senior High School students sa paggawa at pagdisenyo ng sapatos.

Layon nito, aniya, na makatuklas ng magagaling na designer at manggagawa na lilikha ng matitibay at stylish na sapatos na maipagmamalaki ng bansa.

Kasabay nito, puspusan ang kilos ng Marikina Shoe Trade Cooperative upang mapalawak ang kanilang merkado.
Ipinabatid Mr. Neil Nepomuceno, VP ng PFFI, bubuksan sa Agosto 23 ang unang tindahan ng sapatos sa Pasalubong Center sa Davao City.

Nagkapit-bisig bilang isang pamilya ang lahat ng manufacturers ng sapatos sa Marikina City para nagkakaisang isulong ang industriya.

Itatayo ang P60 milyong Shoe Tech School sa Pamantasan Lungsod ng Marikina (PLMAR) compound sa Barangay Concepcion Dos.

 

149

Related posts

Leave a Comment