LOLA NAPILAYAN SA ‘STAMPEDE’ SA QC

NAPILAYAN ang isang matandang babae na kabilang sa mga nagtungo sa aktibidad na inorganisa umano ng kampo ni Rose Lin sa Capasco Warehouse sa P. Dela Cruz St., Brgy San Bartolome, Novaliches, Quezon City, dakong ala-1 ng hapon kamakalawa.

Ang pakay umano ng aktibidad ay para palitan ng P500 ang inisyu nilang ID sa mga tao.

Ayon sa mga naroroon, nagpatawag ang mga lider ni Rose Lin ng payout na 500 pesos kapalit ng naturang ID. Agaran naman dumagsa ang mga tao mula pa sa ibang lugar kaya lumobo at hindi na nakontrol ang pila hanggang umabot ito sa dalawang libo katao. Hakot umano ang nangyari dahil maski taga ibang barangay ay dumagsa sa nasabing lugar at pumila sa ilalim ng mainit na araw.

Nakunan ng mga litrato at video na nagkalat sa Facebook at chat groups ang insidente.

Kwento ni Lola Emmie, 74-anyos, matapos makuha ang 500 pesos at palabas na siya ng gate ng warehouse, nag-anunsyo ng cut-off ang mga coordinator at sinabing 1,500 na katao lang ang mabibigyan. Doon na nag-umpisa ang tulakan at siksikan kung saan marami ang nasaktan. “Tinulak po ako at muntik nang tapak-tapakan, kaya nabalian ako ng buto sa braso! Pinulot lang ako ng tricycle driver at nagmagandang loob na ihatid ako sa pagamutan!”

Si Nanay Marilyn naman, isa ring senior citizen, ay hinimatay habang nasa pilang siksikan at nanakawan pa ng cellphone. Anya, ginawa silang parang hayop sa nasabing lugar kaya nagkagulo.

Nagdulot ng mga sugat at pasa ang nasabing “payout” operation ni Rose Lin. Ito na ang pangalawang pagkakataon kung saan may napinsala sa kampanya ni Rose Lin. Kamakailan lamang ay may namatay na matanda na inatake sa puso dahil pinapila ito sa kasagsagan ng araw.

“Kahit saang sulok kayo ng Novaliches magtanong. Talamak na talamak ang pamimili nila ng boto. Tahasang pang-iinsulto at pang-aalipusta ito sa kahirapan ng mga tao,” ayon sa NGO na Kowalisyong Novaleno Kontra Korapsyon.

Tinawag naman ng kampo ni Rose Lin na fake news ang mga naglabasang balita at ibinintang sa mga kalaban sa pulitika ang mga paninira.

Ito naman ay mariing itinanggi ng Chief of Staff ni Congressman Vargas na si Rhodora Salazar na tinawag na kwentong kutsero ang mga paratang ng kampo ni Rose Lin. “Bakit nila ipapasa sa iba ang mga nangyayaring ito na sa mga HQ nila mismo nagaganap lahat?! Ang totoo, pinagsasamantalahan nila ang kahirapan ng Novalenyo at ang hirap na dulot ng pandemya para sa sarili nilang pulitika! First time nangyari sa kasaysayan ng QC na ganito katindi at katalamak na vote-buying! Ayan may naaksidente na naman!” Siguro dapat na lang nilang sagutin ang mga kasong isinampa sa kanila ng iba’t ibang malayang mamamayan ng Quezon City,” dagdag ni Salazar. (PAOLO SANTOS)

237

Related posts

Leave a Comment