Madaling sumulat ng maikling kwento KRITIKO SINUPALPAL NI VP INDAY

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

AGAD naglabas ng pahayag si Vice President Sara Duterte matapos mag-viral ang kanyang librong “Isang Kaibigan” na sinasabing kinopya umano mula sa isang English book.

Katwiran ni Duterte, hindi niya kailangan mangopya dahil madaling sumulat ng maikling kwento lalo pa kung base sa sariling karanasan.

“Napakadaling sumulat ng maikling kwento batay sa sariling karanasan, hindi na kailangang mangopya pa. Ang proyekto ay para mahikayat ang mga bata na mahalin ang pagbabasa at sumulat ng sarili nilang kwento,” ayon sa pahayag ng bise presidente.

Tinawag din niyang isang paninirang puri ang akusasyon na plagiarism.

“Hindi ang libro ang problema ng bayan kundi ang kahinaan sa pagbabasa ng ating kabataan.

Abangan ninyo ang susunod kong isusulat na libro tungkol sa pagtataksil ng isang kaibigan,” ayon pa kay Duterte.

Matatandaang nagkainitan sina Senador Risa Hontiveros at Duterte sa pagdinig ng Senado sa budget ng Office of the Vice President nang usisain ng una kung tungkol saan at ilan ang librong hinihingan ng P10 milyon pondo ng huli.

Pangalanan Ang ‘Marites’

Samantala, hinamon ng mga mambabatas sa Kamara si Duterte na pangalanan kung sino ang nagkakalat ng balitang patatalsikin siya sa pwesto.

Nauna nang sinabi ni Duterte na may ilang kaibigan sa House of Representatives ang nagbalita sa kanya hinggil sa umano’y nilulutong impeachment laban sa kanya.

Muling itinanggi ng mga mambabatas ang isyung impeachment laban sa bise presidente.

Hamon ni La Union Rep. Paolo Ortega, pangalanan ni VP Sara kung sino sa mga kaibigan nito sa Kamara na nagsasabi na siya ay i-impeach upang mabatid kung ang mga ito ay may pansariling interes.

Ayon naman kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tuldukan na ang isyung impeachment dahil wala naman itong katotohanan.

Sa ngayon, lumalabas na ‘marites’ o tsismis ang impeachment issue na unang inilutang ni Atty. Harry Roque na nakita umano niya sa kanyang bolang kristal.

155

Related posts

Leave a Comment