NAGPAHIWATIG na ng pagkaasar si Mayor Along Malapitan na tila pinaikot lang siya ng departamentong naatasan na mangasiwa sa pag-aayos ng takbo ng trapiko at ang talamak na illegal terminal at ilang pasaway na mga sidewalk vendor sa lungsod ng Caloocan.
Mga pasahero ang naiipit sa idinudulot at walang kinatatakutan na paglabag sa cutting trip ng mga pampasaherong jeepneys na nanggagaling ng Malabon papuntang Caloocan Monumento.
Kung naiipit ang mga pasahero ay mas lalong naiipit ang mga tauhan ng Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) na tila nirerendahan dahil hindi naman sila makakilos dahil may mas mataas pa na opisyal sila na sinusunod.
Sa isinagawang interview ng SAKSI Ngayon sa isang kapihan sa Monumento, isang mapagkakatiwalaang source na ayaw magpabanggit ng pangalan, ang nagsabi na marami pang mga legal na usapin bago maipatupad na pagbawalan ang mga driver sa kanilang itinayong illegal terminal sa mga pangunahing lansangan sa Caloocan.
Kailangan pa, ayon sa source na mag-request ng isang terminal sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung talagang nais na putulin ang ilegal na operasyon ng terminal ng ilang grupo ng transportasyon.
Gagawa pa, ayon sa source ng inspection ang LTFRB kasabay ang executive department ng Caloocan ang PSTMO sa ilalim ni Engr. Jay Bernardo at ang action officer nitong si Ret. PNP/Gen Tamboan upang mapag aralan kung saan nararapat na ipagpatayo ng ang terminal upang ganap na maging legal ito.
Sa ngayon ay tila operasyon na parang pusa at daga ang nangyayari dahil nagpupulasan lang ang mga sidewalk vendor at mga illegal terminal kapag nakitang parating ang ang operatiba ng PSTMO ngunit sa sandaling wala na sila ay muling magbabalikan ang mga pasaway sa ipinagbabawal na lugar.
“Hindi naman kami makakilos ng kami kami lang dahil meron kaming mas nakakataas sa amin at kapag inutusan kami na magsagawa ng operasyon ay saka lang kami kikilos,” dagdag pa ng source. (MARDE INFANTE)
45