MGA SASAKYANG MAY PLAKANG ‘8’ IPINAHUHULI NG KAMARA

INATASAN ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan na hulihin ang mga driver at kumpiskahin ang mga plakang “8” na nakakabit sa kanilang sasakyan.

Ginawa ni House Secretary General Reginald Velasco ang kautusan sa Land Transportation Office (LTO) at Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos mahuli ang isang sasakyan na dumaan sa EDSA Busway na may plakang “8 CA”.

“The House of Representatives has not released, or authorized the use of official plates for vehicles of House Members,” paglilinaw ni Velasco.

Nakapangalan umano sa isang “Christopher Co” ang natiketang sasakyan sa EDSA Busway base sa Official Receipt or Certificate of Registration (OR/CR) ng SUV na hinuli ng MMDA.

Ang Kamara ay may miyembro na nagngangalang Christopher Co na kinatawan ng AKO-Bicol Party-list at kasalukuyang chairman ng makapangyarihan at maimpluwensyang House Committee on Appropriation.

Wala pang ipinalalabas na pahayag ang mambabatas sa nasabing isyu subalit nilinaw ni Velasco na wala silang inilalabas o kaya binigyan ng awtorisasyon na gumamit ng plakang 8 na protocol plate ng mga kongresista.

“I am seeking representation with the Land Transportation Office and the Metro Manila Development Authority to apprehend the drivers of vehicles bearing “8” plates and confiscate the expired or spurious plates,” direktiba ni Velasco.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na maraming sasakyan ang gumagamit ng mga plakang 8 na karaniwang iniiwasan ng traffic enforcers dahil alam ng mga ito na sasakyan ito ng isang kongresista.

(BERNARD TAGUINOD)

206

Related posts

Leave a Comment