DALAWANG miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang isinelda ng Manila Police District- Ermita Police Station 5 makaraang mahuli sa pangongotong sa inilatag na entrapment operation sa Paco, Manila, noong Lunes ng umaga.
Nahaharap sa kasong robbery extortion at posibleng masibak sa trabaho ang mga suspek na sina Teodoro Tomas Jr., 50, at Eddie Peralta, 26-anyos.
Ayon sa ulat na nakarating kay P/Lt. Col. Ariel Caramoan, station commander ng Manila Police Station 5, bandang alas-10:17 ng umaga nang matimbog ang dalawa sa entrapment operation sa panulukan ng Pres. Quirino Avenue at Pedro Gil St., sa Paco.
Nauna rito, isang Ariel Garcia, 25-anyos, ang humingi ng tulong kina P/SSgt. Arnel Villena, P/Cpl. Jeffrey Salazar at P/Cpl. Ronald Serrano, pawang nakatalaga sa Paco Police Community Precinct, sakop ng Station 5, hinggil sa pangongotong ng dalawa habang nagmamando ng trapiko sa lugar.
Salaysay ni Garcia, waiter, lulan siya ng motorsiklo nang parahin ng mga suspek at sinabing lumabag siya sa batas trapiko sa kasong reckless driving at walang maipakitang rehistro ng motorsiklo.
Kinumpiska umano ng mga suspek ang kanyang lisensiya at para mabawi ito ay kailangang magbigay siya ng P1,000.
Sinabi ni Garcia na kukuha siya ng pera at iniwan ang kanyang motorsiklo. Lingid sa dawang suspek, nagtungo ang biktima sa Paco PCP at humingi ng tulong.
Agad naglatag ng entrapment operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek,.
Magugunitang iniutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagpapatupad ng “no contact apprehension” sa lungsod sa mga lalabag sa batas-trapiko upang makaiwas sa pagkahawa sa COVID-19. (RENE CRISOSTOMO)
