P10K FINANCIAL ASSISTANCE, IBA PA SA TONDO FIRE VICTIMS PINULITIKA

NAANTALA ang distribusyon ng P10,000 financial assistance, hygiene kits at relief items sa bawat isa sa mahigit 2,000 pamilyang biktima ng dalawang sunog sa Tondo, dahil tinangka umanong harangin ng ilang miyembro ng minority group sa Manila City Council ang pagpasa ng resolusyon na kailangan para sa mabilis na paglabas ng pondo ng pamahalaan na kailangan para rito.

Gayunman bigo pa rin umano ang minorya na harangin ang pagpasa ng nasabing resolusyon.

Ito ang nabatid matapos na personal na humingi ng paumanhin si Manila Mayor Honey Lacuna dahil sa pangyayari kung saan ang mga apektadong pamilya ay kailangan pang maghintay na hindi naman nararapat.

“Lagi ko sinasabi sa mga kasamahan ko na ayaw na ayaw kong nagpapahintay, dahil alam kong napakabigat na ng inyong pinagdaraanan,” ayon sa lady mayor.

“Kanina po ay pinakiusapan ko ang konseho ng Maynila na magpasa ng isang resolusyon para sa agarang pagbibigay ng tulong-pinansyal, dangan nga lamang, hindi ko malaman sa kung anong dahilan ay tila ho ba parang pinapatagal nang pinapatagal ng ilan nilang kasamahan sa minorya pero sabi ko sa kanila (majority councilors), ‘wag sila bibitaw, piliting maipasa dahil alam ko po ‘yan ang kinakailangan n’yo ngayon,” sabi ni Lacuna.

Nagpahayag ng kanyang pasasalamat ang alkalde kay Vice Mayor Yul Servo na siyang kasalukuyang Council Presiding Officer, gayundin kina Councilors Bobby Lim, Niño dela Cruz at Marjun Isidro at iba pang majority councilors na nagtatrabaho upang tiyakin na ang resolusyon na kailangan para mailabas ang pondo ay naipasa sa lalong madaling panahon. Ang nabanggit na councilors, kabilang si Social Welfare chief Re Fugoso, ay tumulong din sa distribusyon ng cash aid at goods para sa pamilya ng fire victims.

“Pasalamatan natin sila sa kanilang tunay na pagmamalasakit and siyempre, si Vice Mayor Yul na kanina pa inaaway nung iba nating konsehal. ‘Di ko maintindihan kaya ako na ho ang nahingi ng paumanhin pero ang importante nandirito na kami ngayon dahil alam ko na ito po ang kailangang- kailangan n’yo, maliban sa kailangan ninyong makabalik sa inyong mga lugar para makapagpundar ulit. Pagdamutan ninyo ang aming makakayanan,” pahayag ni Lacuna.

Sinabi ni Servo na noong sisimulan na niyang talakayin ang resolusyon para sa cash assistance ng fire victims, ang mga councilor na nabibilang sa minority ay sabay-sabay na nag-walk out sa pagtatangkang harangin ang pagpasa ng resolusyon dahil mawawalan na quorum sa kanilang pag-walk-out.

Gayunman nagawan ng paraan ni Servo na magkaroon ng kinakailangang quorum matapos isama sa bilang ng attendance ang majority councilors na nagrehistro sa pamamagitan ng zoom, na ayon sa kanya ay pinapayagan naman sa ilalim ng internal rules ng Konseho, pero maging ito ay kinuwestiyon ng minority member na pinahaba nang pinahaba na halata naman na isang paraan para i-delay o i- block ang pagpasa ng resolusyon.

“Nakakalungkot lang na pati ang tulong na para sa mga tao ay napupulitika. Dapat ipinapasa namin agad ang mga resolusyong gaya nito kasi kailangang-kailangan ito ng mga tao,” saad ni Servo.

(JESSE KABEL RUIZ)

92

Related posts

Leave a Comment