PEDI-GRAB IPAPALIT SA PEDICAB SA MAYNILA

MAGLULUNSAD ng mga “taxi-cle o pedi-grab” ang Maynila upang palitan ang mga lumang pedicab sa layuning maitaas ang dignidad ng mga de padyak na drivers sa lungsod.

Ito ang iniulat ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nagsabing ang bagong tri-wheel motorized vehicle na tinawag niyang ‘taxi-cle o ‘pedi-grab’ ay piso lamang ang down payment na hihingiin sa mga pedicab driver.

Sa serye ng pakikipagpulong sa Pedicab Operators and Drivers’ association (PODA), sinabi ng alkalde na maraming de padyak na driver ang nagpahayag ng kanilang interes na magkaroon ng public utility tri-wheel.

Sinabi ng alkalde, naglaan ang pribadong kumpanya ng 2,000 units na gagawing “Corona edition” para sa lokal na pamahalaan ng lungsod, na iaalok sa pedicab drivers.

Sinabi pa ng alkalde, kasalukuyang regulasyon, pinapayagan lamang ang isang pedicab driver na magsakay ng isang pasahero ngunit sa bagong motorized vehicle, papayagan silang magsakay ng dalawa hanggang tatlong pasahero ngunit dapat ay sumusunod sa social distancing requirement.

“Para matapos na ang panahon na padyak nang padyak araw-araw. Mas ligtas ito, may insurance pa na five years, kaya walang kaba ‘yung pasahero anuman ang mangyari o kung nasira ‘yung sidecar,” ayon sa alkalde na minsan ay naging sidecar boy din noong kanyang kabataan.

“Nasa kanila kung tingin nila eh tataaas ang antas ng kanilang hanapbuhay o kung gusto nilang ganun na lamang sila. Ako kasi bilang dating sidecar boy, kung ako ay mabibigyan ng gobyerno ng ganyang pagkakataon, bakit hindi? Basta ako, hindi ko i-introduce kung malalagay kayo sa alanganin,”dagdag ng alkalde.

Bukod sa P1.0 lamang ang down payment, huhulugan ito ng P188 kada araw base sa inisyal na plano.

Nabatid pa kay Domagoso, sa sandaling kumuha sila ng unit, bibilhin naman ng lokal na pamahalaan ang kanilang pedi cabs sa parehas na presyo at sisirain na mismo sa kanilang harapan

Kada unit umano ay mayroong built-in acrylic dividers na maghihiwalay sa mga pasahero na hindi lamang proteksiyon sa COVID-19 kundi maging sa init ng araw at ulan dahil mayroon itong bubungan. (RENE CRISOSTOMO)

160

Related posts

Leave a Comment