POWER PLANT SHUTDOWN LEGAL NA ‘KOTONG’ SA CONSUMERS — SOLON

power1

(NI BERNARD TAGUINOD)

ITINUTURING ng isang mambabatas sa Kamara bilang “legalized extortion” sa mga power consumers ang ginagawa ng mga power plant na nagsa-shutdown tuwing summer na tila kasabuwat pa ng mga ito ang Department of Energy (DOE).

“Parang legalized extortion sa power consumers ang nangyayari tuloy kada summer,” pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate dahil siyam na power plant umano ang magsa-shutdown ngayong summer subalit walang ginagawang aksyon ang DOE para pigilan ito.

Ayon sa mambabatas, kapag nagshutdown ang mga planta ng kuryente ay mangangahulugan ito ng pagnipis ng reserba kaya ng kasunod nito ay pagtaas ng singil sa kuryente.

Kinastigo naman ni Bayan muna chairman at senatorial cadidate Neri Colmenares ang DOE dahil tila walang natutunan ang ahensya sa mga nakaraang mga panahon lalo na tuwing tag-init.

“Hindi na ba natuto ang DOE sa nangyari noong 2013 at 2017, na sangkatutak na power plants ang nagsara dahil sa Malampaya shutdown kung kaya pumalo ng napakataas ng singgil sa kuryente?,” ani Colmenares.

Sa mga imbestigasyon ng Kongreso, isa sa mga rekomendasyon ng mga mambabatas sa DOE ay huwag payagan ang sabay-sabay na pagsa-shutdown ng mga planta ng kuryente tuwing summer upang masiguro na may sapat na supply,

Gayunman, hindi ito sinusunod umano ng DOE dahil kung kailan summer ay nagkakaroon ng sabay-sabay na shutdown ng mga planta ng kuryente tulad ng mangyayari ngayon.

“Sa ngayon siyam na planta na naman ang nagshutdown. Parang nananadya tuloy ang DOE para tumaas ang singgil sa kuryente, at, kapag tututol naman tayo ay tatakutin tayo na magbobrown out habang napaka-init ng panahon,” ayon pa sa dating mambabatas.

292

Related posts

Leave a Comment