QC COUNCILOR, 2 PA KINASUHAN NG GRAFT

NAGSAMPA ng kasong paglabag sa Graft and Corrupt Practices Act ang isang Barangay Public Safety Officer (BPSO) sa Office of the Ombudsman laban sa isang Quezon City councilor at dalawang iba pa, matapos mabatid na patuloy siyang tumatanggap ng buwanang suweldo kahit hindi na ito staff ng Brgy. Kaligayahan sa naturang lungsod.

Nabatid sa apat na pahinang complaint charge ni Hernando Compendio, nasa hustong gulang, at kasalukuyan residente ng Brgy. Kaligayahan, Quezon City, sinampahan nito ng reklamo ang mga opisyal ng kanilang barangay na sina Brgy. Captain/Councilor Alfredo Roxas, Barangay Secretary Maripha de Jesus at Barangay Treasurer Hersiree B. Santiago.

Sina Coun. Roxas, Ex-Officio Chairperson, Committee on Barangay Affairs, De Jesus at Santiago ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ayon sa ulat, bukod sa kasong graft, sinampahan din ang tatlo ng Falsification of Public Document base sa Art. 171 ng Revised Penal Code.

Nabatid pa sa reklamo ni Compendio, nagsimula siyang magtrabaho bilang BPSO sa naturang barangay noong Enero 2016 at nahinto noong Hunyo 2022, na may buwanang sahod na nagkakahalaga ng P11,500.

Sinabi pa sa statement ng complainant, dahil nai-stroke siya nitong nakalipas na taon, pinatigil siya sa pagtatrabaho ni Brgy. Capt. Roxas at ang huling sahod niya ay noong Hunyo 2022.

Idinagdag pa sa pahayag ng complainant, noong gumaling siya at umayos na ang kanyang kalusugan, lumapit siya sa kanilang barangay upang makabalik sa trabaho bilang BPSO o sa kahit na anong posisyon na makakayanan ngunit hindi na umano siya tinanggap at wala siyang natanggap na ‘notice’ o pabatid na siya ay tinanggal na sa trabaho.

Ayon pa sa reklamo, bagama’t nahinto na siya sa trabaho bilang BPSO noong Hunyo 2022, napag-alaman niya na kasama pa rin siya sa payroll ng mga empleyado sa kanilang barangay hanggang

Disyembre ng taong 2023, sa isinumiteng payroll ng Annual Budget sa kanilang barangay.

Nabatid pa sa statement ng complainant, lumalabas na empleyado pa rin siya ng kanilang barangay at patuloy na tumatanggap ng buwanang sahod mula Hunyo 2022 at patuloy na tatanggap nito hanggang Disyembre 2023 kahit taliwas umano sa katotohanan kung kaya’t labis siyang nababahala dahil baka makasuhan siya ng paglabag sa kaukulang mga batas.

(PAOLO SANTOS)

81

Related posts

Leave a Comment